Home Batok sa Kaliwa, Suntok sa Kanan Mayor Isko Moreno, nakakabilib!

Mayor Isko Moreno, nakakabilib!

43
0
SHARE
An opinion column by Rolando S. Gamoso

HINDI ko talaga maiwasang bumilib dito kay Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso.

Hindi po ako taga-Maynila at hindi ko rin po kilala ng personal si Mayor Isko. Sadyang nakakabilib lang talaga ang mga ginagawa niya kaya naisipan ko siyang gawing topic ngayon dito sa kolum ko at baka sakaling maengganyo ang mga ibang nakaupong politiko na gawin din ang mga ginagawa niya.

Alam ba ninyo na sa dami ng nababasa at naririnig kong mga balita tungkol sa kanya, ang masasabi ko, napakasuwerte ng mga Manilenyo dahil meron silang alkalde na napakabait, napakasipag, napakaseryosong magtrabaho at napakamatulungin na tao.

Pati ang isa sa mga nakalaban niya noong nakaraan eleksyon sa naturang puwesto na si dating Manila Mayor Wilfredo Lim ay hangang-hanga rin sa uri ng leadership na ipinapakita ni Mayor Isko.

Sa lahat ng mga naupong alkade ng Maynila, talaga namang kakaiba at kamangha-mangha ang political will meron si Mayor Isko.

Napakatapang niyang nilinis ang mga bangketa sa Maynila kahit pa maraming nagtitinda ang tutol dito.

Kitang-kita naman na naging maganda ang resulta nito dahil lumuwag ang mga kalsada at naging mas maaliwalas ang dating makalat at mabahong mga daanan.

Ang totoo, mas lalo pa akong bumilib sa kanya nang i-donate niya sa Philippine General Hospital (PGH) ang milyun-milyong pera na bayad sa kanya sa kanyang pagmomodelo.

Nabatid na aabot sa P6 milyong donasyon ang natanggap ng PGH mula kay Mayor Isko Moreno at sa apat na kumpanyang kumontrata sa kanya na kusang nagbigay ng tulong matapos na malaman na ang perang ibabayad nila kay Moreno ay mapupunta sa naturang ospital.

Sa viral video ng alkalde sa Facebook, sinabi nito na ayos lang na magasgasan ang katawan niya basta’t makakatulong naman sa ibang tao.

Base sa ulat, kinuha ng Jag Jeans si Moreno bilang endorser kung saan binayaran siya ng P1 milyon na direkta niyang ibinigay sa PGH cancer ward.

Dahil sa kabutihang-loob ng alkalde, nagpasya ang Jag Jeans na magbigay pa ng karagdagang P1 milyon sa ward.

Ang sister companies din ng Jag ay nakalikom ng P2 milyon na ibinigay din sa PGH.

Ang food giants naman na Kenny Rogers at Seattle’s Best ay nagbigay din ng tig-P1 milyon para sa pagpapaganda ng pasilidad ng ospital.

Noong nakaraang linggo una nang nagbigay si Moreno ng P1.5 milyon sa PGH mula sa kanyang endorsement sa coffee chain na I.M coffee. Kalahati pa lang ang naturang halaga ng kabuuang P3 milyon. Ang natitirang P1.5 milyon ay mapupunta rin sa PGH.

Sinabi ni Moreno na kabuuang P24.5 milyon ang kabuuang halaga ng donasyon na maibibigay sa cancer ward matapos ang kanyang panawagan sa Manila Golf and Country Club noong kanyang ika-45 kaarawan.

Bibihira ang mga politikong katulad ni Mayor Isko. Ang mga katulad niya ang kailangan ng ating bansa para lalo pang umunlad.

Sigurado ako na kung hindi siya magbabago, malayo ang mararating niya bilang isang mahusay, matalino at mapagkakatiwalaang politiko. (RONDA BALITA Online)

 

SHARE
Previous articleVigan City Jail, binigyan ng parangal ng BJMP Central Office
Next article1 drug pusher killed in Norzagaray
Si Rolando S. Gamoso ay naging Editor-In-Chief ng dating THE AMIANAN WEEKLY EXPOSE’, isang weekly newspaper na may sirkulasyon sa buong Region I, CAR at Region II. Naging reporter/news correspondent siya for Region I sa mga pahayagang tulad ng: DAILY BALITA, TANOD Newspaper, BOMBA, PINOY PARAZZI, at POLICE FILES TONITE. Sa ngayon ay reporter/columnist siya sa THE AMIANAN BULLETIN at THE ILOCOS HERALD, pawang mga local newspaper na circulated weekly sa Ilocos Region. Maliban sa pagiging aktibo niya sa print media, aktibo rin siya sa pagiging miyembro ng broadcast media.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here