Mayor ng Baliwag positibo sa COVID-19, pang lima sa mga may kaso sa Bulacan

0
3946

BALIWAG, Bulacan — Umakyat na sa lima ang kaso ng COVID-19 sa lalawigan ng Bulacan matapos na makumpirma ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) na ang alkalde ng nasabing bayan ay positibo sa nasabibg virus.

Ito ang inamin ni Baliwag Mayor Ferdie Estrella sa kanyang Facebook account na positibo siya sa naturang Coronavirus disease.

Sinabi ng alkalde na may karapatan ang kanyang mga kababayan sa tunay niyang kalagayan at hindi niya dapat itago o ikahiya ang kanyang tunay na karamdaman sa kanyang mga nasasakupan.

Ayon kay Estrella, nakaramdam siya ng panghihina ng katawan at sinabayan pa ng ubo at sipon kung kaya agad siyang nagpatingin.

Sa kasalukuyan ay ayos na naman umano ang kalagayan ng alkalde at nagpapalakas na lamang at nagpapagaling sa ospital.

Idinagdag pa ni Estrella na patuloy pa din ang serbisyong may malasakit sa bayan ng Baliwag sa kabila ng kanyang karamdaman.

Patuloy ang alkalde sa pagmomonitor sa mga kaganapan sa nasabing bayan at inatasan na niya si Vice Mayor Cris Clemente na pangunahan ang pagbibigay ng maayos na serbisyo sa Baliwagenyo lalu na ngayong panahon ng krisis.

Hindi na nagbigay na detalye si Estrella kung kanino siya nahawa ng COVID-19.

Kaugnay nito, humanga ang mga kababayan ni Estrella sa ginawa nitong pag-amin at hindi pagtago sa tunay niyang karamdaman.

Si Estrella ang pang lima sa mga naitalang may kaso ng COVID-19 sa lalawigan, nauma na rito ang dalawa mula sa siyudad ng San Jose del Monte, isa sa Bayan ng Guiguinto at isa sa siyudad ng Malolos. (RONDA BALITA Online) 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here