Mayor ng San Fernando City LU, sinibak ng Ombudsman sa puwesto

1
195
An opinion column by Rolando S. Gamoso

MAY mga natuwa at meron ding mga nalungkot matapos na masibak sa puwesto si Mayor Hermegildo “Dong” Gualberto ng San Fernando City, La Union.

Ito ay matapos na hatulan ng ‘guilty’ ng Office of the Ombudsman ang naturang opisyal.

Base sa 20 pahina na desisyon ipinalabas ng Ombudsman, guilty sa grave misconduct, gross neglect of duty, at pagkakatanggal sa katungkulan sa pamahalaan ang hatol sa naturang alkalde dahil sa paglabag sa 2017 Revised Rules on Administrative Cases ng Civil Service.

Nakitaan din ng prosekusyon na mayroong probable cause upang ihain sa Sandiganbayan ang kasong kriminal dahil sa umano’y paglabag ni Gualberto sa section 3 ng Republic Act 30119, habang naibasura naman ang reklamong paglabag sa Article 220 ng Revised Penal Code.

Ang nabanggit na reklamo laban kay Mayor Gualberto ay isinampa ng 47 punong barangay ng lungsod dahil sa rehabilitasyon ng City Plaza na nagkakahalaga ng P66,473,503.90 o nagmula sa 20 percent Development Fund ng 2018 at sinasabing hindi akma sa konteksto ng naturang proyekto.

Matatandaan na noong Mayo ng nakaraang taon ay sinuspinde ng Ombudsman si Mayor Gualberto matapos na isampa ang naturang reklamo laban sa kanya.

Sa kabila ng suspensyon, muling kumandidato at nahalal sa puwesto si Gualberto.

Matapos na hatulan ng ‘guilty’ ng Office of the Ombudsman, mahinahon namng bumaba sa puwesto ang naturang opisyal.

“Bilang respeto sa desisyon ng Ombudsman, bababa ako sa puwesto pero hindi nangangahulugan na sumasang-ayon ako sa paspasang paglilitis o sumusuko na ako sa laban dahil taliwas sa kanilang paratang, wala tayong ginagawang mali o masama,” ito ang naging pahayag ni Gualberto sa interbyu sa kanya ng Media.

“Walang basehan ang paratang. Walang nawala na yaman ang bayan. Dadalhin natin ang kasong ito sa mas mataas na hukuman kung saan hinahangad nating magkaroon ng patas at angkop na pagsisiyasat,” ang pahayag ng opisyal.

Ang masasabi ko lang, sir, karapatan po ninyo iyan. The truth will set you free. ‘Yan ay kung wala nga po talaga kayong kasalanan.

 

Isang Pasasalamat sa mga Miyembro ng Candon-PNP

Gusto ko lang pasalamatan ang Candon-PNP, most especially kina: Police Lt. Col. David G. Dulnuan, OIC; PCMS Ronald Marquez; at, PMSG Robert Lucena.

Kung bakit ko po sila pinasasalamatan ay dahil po sila ang tumulong sa akin na maiuwi ang nasirang MIO 125 motorcycle na ginamit ng aking bunsong anak na nadisgrasya (Self Vehicular Accident) sa Brgy. Pila West, Sta. Lucia, Ilocos Sur nung gabi ng January 4, 2020.

Noong umaga ng January 5, problema ko kung paano ko maiuuwi ang naturang sasakyan. Saan o kanino ako hihiram ng pick up o 4 wheels para doon ko isakay ang MIO 125 pauwi ng Candon?

Dahil sa wala akong maisip na ibang mahihiraman ng sasakyan, pumasok sa isip ko ang Candon-PNP. Naisip kong humingi ng tulong sa mabait at palakaibigan na Officer-In-Charge ng Candon-PNP. Gaya po ng dapat asahan, hindi nga niya ako binigo. Kinausap niya si PCMS Marquez (na nagsilbing driver) at si PMSG Lucena (na katulong ko sa pagbubuhat) para tulungan ako sa aking problema. Ginamit namin ang isa sa mga patrol o mobile ng Candon-PNP para doon maisakay ang nasabing MIO.

Sa inyo, mga sir, saludong-saludo po ako. Pinatunayan ninyo ang pagiging matulungin ninyo sa inyong kapuwa.

Actually, bago ‘yan, marami na akong mga naririnig na PNP GOOD DEEDS mula sa inyong tanggapan.

Sa nangyaring ito, parang testing ko na rin kung totoo nga ba o hindi ang mga naririnig ko sa inyo. At hindi nga ako nagkamali, kayo ay karapat-dapat na pamarisan o tularan.

To sir Dulnuan and company, thank you po! God bless you all! (RONDA BALITA Online)

1 COMMENT

  1. Kailangan ng fresh news hindi Lang para sa local kundi para sa ibayong dapat rin gaya namin na gustong malaman ang mga pangyayari sa atin. Ang masasabiko tungkol sa mga nakaupong mayor gawin lamang Ang tama sa panunungkulan nila. Sa mga pulos naman kudos Kami sa inyo sa mga proteksyon sa ating mamamayan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here