Meycauayan police protektor nga ba ng ‘Pergalan’ sa Brgy. Sto. Nino?

0
504

ISANG grupo ng mga kababaihan sa lungsod ng Meycauayan ang kumausap sa inyong lingkod para ipaabot ang kanilang reklamo hinggil umano sa talamak na iligal na pasugalan sa Carnaval cum “Pergalan” sa Brgy. Sto. Nino sa naturang lungsod.

Isa sa kanilang malaking katanungan ay kung protektor daw ba umano ng nasabing pergalan ang kapulisan ng Meycauayan dahil napapansin nila na gabi-gabi kung huminto sa nasabing pergalan ang mobile patrol pero hindi naman bumababa para manghuli.

Ang nabanggit na Pergalan cum Carnaval ay pag-aari umano ng isang Ely Marikina na may “salubong” na si alyas Popoy.

Ito umanong si Popoy ang siyang nagtitimon kung tungkol sa intelihensiya sa mga pulis, barangay official at miyembro ng media ang pag-uusapan.

Idinagdag pa nila na madami silang napapansin na mga menor de edad na tumatangkilik sa nasabing sugal.

Paliwanag ko naman sa grupo ng kababaihan na legal ang operasyon ng perya kapag nakakuha ng permit para mag-operate at nakapagbayad ng kaukulang amusement tax sa gobyerno.

Kung ang perya ay may kaukulang permit mula sa gobyerno ay legal ang operasyon nito at pwedeng magpatakbo ng Ferris Wheel, Horror Train at Octopus.

Nagiging bawal ito kapag hindi wholesome entertainment ang inihahandog kundi bawal na sugal na tulad ng “color games” at “drop ball” na dinudumog na rin pati ng mga kabataan. Nagsisilbing front lamang ang peryahan.

Ang “pergalan” ay pi­nag­samang salita ng perya at sugalan. Sa madaling salita ay sugalan ito na matatagpuan sa loob ng maliliit na karnabal na kung tawagin ay perya na tradisyunal na libangan na ng mga Filipino.

Dahil iligal at malaki ang kinikita ay may lingguhang lagay rin na ibinibigay ang may-ari nito sa iba’t ibang sangay ng pulisya kaya patuloy ang operasyon nito.

At malakas ang loob nito na maglagay ng sugalan dahil sa intelihensiyang ibinibigay linggo-linggo sa ibat-ibang unit ng kapulisan. Mula sa region pababa sa provincial at hanggang sa barangay.

Pero kung babasehan natin ang ang R.A. 1602 o ang Anti-Illegal Gambling Act. Malinaw na nakasaad dito na ipinagbabawal sa batas ang anumang uri ng sugal o palarong may kinalaman sa pagtaya ng pera at katumbas naman nito ang pagpanalo ng halagang tinayaan.

Nakasaad din sa batas na sino mang ling­kod bayan na magsa­sawalang-kibo, mag­­papahintulot, o mag­kukunsinte sa nasabing mga ganitong uri ng sugal ay maaaring masampahan ng kasong administratibo.

Ang pinahihintulutan lamang sa ilalim ng nasabing batas ay ang mga sugal na nasasa-ilalim ng PAGCOR at PCSO. Ngunit ang mga peryahan ay hindi pinahi­hintulutan magkaroon ng mga sugal na tulad ng Color Games, Drop Ball, o Beto-beto.

Nasa inyo nang desisyon P/Col. Emma Libunao, Bulacan Provincial Director, kung iyong aatasan ang bagong talagang hepe ng pulis ng Lungsod ng Meycauayan na ipa­sara ang iligal na sugalan sa na­sabing pergalan.

At para naman sa bagong hepe ng Meyca­uayan police na si Col. Bernardo Paga­duan, Sir galaw-galaw po. Pa­kitaan mo ng bagsik ang hinayupak na may-ari ng nasabing pergalan. Huwag mong hayaang malulong sa sugal ang mama­mayan ng lungsod. At kung hindi ninyo mapapasara ang naturang pergalan sa Brgy. Sto. Nino, marahil tama ang kutob ko. Alam na this.
Pero dadalhin ko sa kina­u­ukulan ang usaping ito at sisiguraduhin ko na matutuldukan ang hinaing ng mga taga-Meycauayan.

Para sa inyong mga sumbong, hinaing at reklamo na gusto ninyong TULDOKAN ng inyong lingkod, tumawag o mag-text sa numerong 0915 691 2704.

Previous article9 arestado sa Bulacan dahil sa iligal na droga
Next articleBabaeng HVT arestado sa P680k halaga ng shabu sa Angeles
Emmanuel "Manny" Dineros Balbin, an editor-in-chief of RONDA Balita, Lingguhang Pahayagan ng Masang Intelihente, and RONDA Balita Online News was a former seminarian of Oblates of Mary Immaculate (OMI) in Notre Dame University Seminary in Cotabato City. Graduated Philosophy as major course, Political Science as minor, at the University of Santo Tomas, Legaspi City but landed and became a journalist. A former Journal Group of Publication (People's Journal, Peoples Tonight, Taliba & Women's Journal) staffer for 17 years. Before he was simultaneously contributed news articles to 3 local newspaper in Bulacan (NewsCore, MetroNews & NewsWatcher). A former Journal Group Bulacan correspondent, Kabayan provincial reporter, 2010 Bulacan election correspondent by Rappler and presently, a stringer of Philippine News Agency (PNA) Bulacan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here