Home Pilantik Mga ‘bantay-salakay’ sa Bulacan Capitol compound

Mga ‘bantay-salakay’ sa Bulacan Capitol compound

47
0
SHARE

HALOS hindi ako makapaniwala ng aking matunghayan at mabasa ang isang inilathala sa social media hinggil sa mga nawawalang mga helmet sa capitol compound ng Lalawigan ng Bulacan na di umano ang may kagagawan ay mismong tauhan ng ating lokal na pamahalaan.

Masakit tanggapin sa kalooban subalit kung ang usaping ito ay mayroong katotohanan na ang dahilan ng pagkawala ng mga helmet ng mga motorista ay guwardya ang siyang may kinalaman, malinaw na ang isyung ito ay sampal sa pamunuan at walang kahulilip na kahihiyan.

Isang usapin na dapat bigyang pansin ng mga kinauukulan partikular ng mga naririyan sa kapitolyo dahil sila ang tunay tatamaan at mabibilad sa matinding kahihiyan sapagkat nasa ilalim ng kanilang kapangyarihan at katungkulan kung paano napwesto o naitalaga bilang isang tagapangalaga ng katahimikan at kaligtasan maging upang maging masinop ang lahat ng ari-arian higit sa lahat ng mga sasakyang ipinaparada sa itinakdang paradahan.

Marahil ay nasa katuwiran at tama lamang na bigyang paalala at babala ng taong nagbulgar ng isyung ito ang ating mga kalalawigan sapagkat hindi nga malayo at imposible na sa susunod ay motor na o sasakyan ang nakawin ng taong ito.

Tandaan natin na ang isa raw pusakal na magnanakaw ay nagsisimula lang sa paitlog-itlog hanggang maging pamanok-manok. Pahelmet-helmet hanggang maging pamotor-motor at nang kalaunan ay pakotse-kotse na.

Sana ay hindi na umabot pa sa ganiyan ang sitwasyon na mangyayari lamang kung ang BATAY SALAKAY sa compound ng kapitolyo hanggang maaga ay sawatain na at bigyan ng leksyon upang hindi pamarisan.

Ikalaboso ang mga taong sangkot habang maaga sapagkat hindi malayong mas matindi pang problema ang maaring gawin ng taong ito sa bawat isa sa atin.
Katulad po ng aking tinuran, hindi ko po lubos na inaasahan na mangyayari ang ganitong katarantaduhan sa loob mismo ng bakuran ng Kapitolyo ng Bulacan kung kaya naman ating kinakalampag ang mga kinauukulan na kung maaari aqt kanilang “salaing mabuti” ang bawat tao o guwardiya na kanilang itinatalaga.

Para naman sa taong sabit sa isyung ito, hindi ka ba nahihiya sa pagmumukha mo. Paano na ngayon ang pamilya mo? Nalagay sila sa walang kasingtinding kahihiyan dahil sa katarantaduhan mo. Naisip mo ba ang bagay na ito o sadyang sakit mo na ang ganitong gawain?

Ayaw ko po na makasakit ng kalooban at damdamin ng aking kapuwa , subalit hindi ko po maiwasan dala ng ganitong kawalanghiyaan . Itinalaga ka upang pangalagaan ang bawat isang mamamayan maging ang kanilang ari-arian hindi upang sila ay pagsamantalahan at pagnakawan. Bantay ka ngang naturingan subalit isa ka pa lang Bantay-Salakay na dapat na katakutan. Nakakahiya ka at hindi dapat pagkatiwalaan. Salot ka ng lipunan.

Paglilinaw, sinasabi ko ang lahat ng ito kung may katotohanan ang tungkol sa isyung ito! (RONDA Balita Online News)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here