Mga biktima ng sunog sa Bocaue, tumanggap ng ayuda mula sa Kapitolyo

0
203

LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Mahigit 300 na mga Bulakenyong biktima ng sunog ang tumanggap ng agarang tulong mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamumuno ni Gob. Daniel R. Fernando sa pamamagitan ng Provincial Social Welfare Development Office Miyerkules (Feb. 12) matapos ang insidente ng sunog na tumupok sa halos 138 kabahayan sa Brgy. Antipona, Bocaue, Bulacan nitong Martes (Feb. 11).

Bawat apektadong pamilya ay tumanggap ng kalahating kaban ng bigas, mga damit at emergency box na naglalaman ng mga banig, kumot, unan at kulambo habang ang tulong pinansiyal naman ay kasalukuyang isinasaayos na dedepende rin sa pinsalang idinulot sa bawat bahay.

Ayon kay Municipal Disaster Risk Reduction Management Officer Rodante Galvez, nagsimula ang sunog sa ganap na 9:45 ng umaga mula sa naiwang kalan ng LPG at tumagal ng halos apat na oras na itinaas sa ikaapat na alarma bago idineklarang fire out sa ganap na 1:30 ng hapon.

Samantala, sinabi naman ni Kapitana Milagros Dabu ng Brgy. Antipona, Bocaue na nagpapasalamat siya dahil walang sinuman ang nasaktan sa kabila ng insidente at nagpasalamat din sa Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan matapos tumanggap ng suporta at tulong para sa kaniyang komunidad.

“Salamat po at maraming tulong po kaming natatanggap at higit sa lahat ay wala naman pong nasakatan sa kanila. Malaking bagay ito para matulungang magsimula muli ang mga nasunugan lalo’t washed out po talaga ang mga kabahayan at kahit papaano po ay nakikita ko rin naman na ikinasasaya ng mga tao dito sa evacuation kapag may mga dumadating na tulong,” ani Dabu.

Kasalukuyang tumutuloy ang mga apektadong pamilya sa bagong Municipal Hall ng Bocaue sa Brgy. Igulot, Bocaue, Bulacan na nagsilbing evacuation center kung saan isinasagawa ang iba’t-ibang mga aktibidad at film showing araw-araw upang maibsan ang trauma ng mga biktima kahit papaano.

Bago ang pamamahagi ng tulong sa mga biktima ng sunog sa Bocaue, nauna nang napagkalooban ng tulong pinansiyal ang 23 pamilya mula sa mga bayan ng Obando at Hagonoy ng P10,000 para sa mga kabahayang lubos na napinsala habang limang pamilya naman na may kabahayang bahagyang napinsala ang napagkalooban ng P5,000.

Gayundin, 24 pamilya mula sa mga bayan ng Pulilan, Calumpit, Balagtas, Bocaue, San Ildefonso, Doña Remedios Trinidad at Lungsod ng Malolos ang napagkalooban ng kalahating sako ng bigas at emergency bag bawat pamilya. (RONDA BALITA Online)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here