Mga dyip sa Bulacan, papasada na

1
708

LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan —  Magandang balita para sa mga drayber at pasahero ng dyip sa Bulacan matapos pahintulutan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang hiling ni Gob. Daniel R. Fernando na payagang bumiyahe ang mga pampublikong dyip sa dati nitong mga ruta at linya habang ipinatutupad ang modified general community quarantine.

Ayon sa LTFRB, ang pagbibigay ng special permit ay para sa 50 porsyento pa rin ng operasyon na may salitan na iskedyul bawat araw.

“Ni-request natin na ibalik ang dating ruta para maiwasan ang kumplikasyon sa TODA, sila na din ang ni-lobby natin na magbigay ng schedule sa mga driver para mas maayos, para lahat pantay ang oportunidad na makapaghanapbuhay, pero wag nating kalimutan na nandyan pa rin ang pandemic at MGCQ pa rin, mag-iingat po tayo,” ani Fernando.

Sinabi ni Atty. Jesus Sison na bagaman dumarami na ang binubuksang ruta, may mga batas pa ring kailangang sundin tulad ng pagsusuot ng mask at gloves ng mga drayber, bawal magsakay ng pasaherong walang face mask at dapat may physical distancing, pag-disinfect ng mga sasakyan  pagkatapos ng biyahe, pag-disinfect ng mga madalas hawakang parte ng sasakyan kada tatlong oras, dapat mayroong thermal scanner sa mga terminal, tamang pamasahe at iba pa.

Base sa permit, P9.00 ang minimum na pamasahe para sa mga tradisyunal na dyip sa unang apat na kilometro at dagdag na P1.50 sa bawat susunod na kilometro habang P11.00 naman ang minimum na bayad para sa mga modernong dyip at P1.50 sa mga susunod na kilometro.

Samantala, nagpasalamat naman si BFJODA Chairman Billy Tatil sa ngalan ng kanyang mga kasamahan dahil makakabalik na sila sa kalsada upang magserbisyo sa mga kapwa Bulakenyo.

Hinihiling naman ni Leonardo Bautista, tagapangulo ng Palmera-Gumaoc-Novaliches Transport Multipurpose Service Cooperative, na mabigyan sila ng fuel subsidy at tulong medikal kung sakaling dapuan ng COVID-19 virus sa kanilang pamamasada.

Sinagot ito ni Sison at sinabing tatalakayin nila ito sa LTFRB, ipinaliwanag din niya na bibigyan ang mga drayber ng form na sasagutan para sa pagsusuma ng gastos para sa fuel subsidy.

Gayundin, hiniling ni Arlene Pascual, pinuno ng Provincial Planning and Development Office na tulungan silang maghanap pa ng mga ruta na nais nilang maidagdag upang higit na makapagserbisyo sa mga mananakay. (RONDA BALITA Online)

1 COMMENT

  1. pano po yung huling hulog ay march lng po ngayong taon at hindi pa nahuhulugan ng employer yung april to june makakakuha ba cla ng calamity loan…at pano kung may salary loan cla na nakuha hindi na ba pwede kumuha ng calamity loan…tnx po

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here