Mga health workers, sinimulan nang bakunahan sa Bayan ng Pandi

0
140
Ginabayan ni Pandi Mayor Enrico A. Roque at Vice Mayor Luisa Sebastian kasama ang ibang kasapi ng Sangguniang Bayan ang pagbabakuna sa mga health workers at mga front liners nitong Biyernes (March 26, 2021). (Kuha ni Roseth Reyes)

PANDI, Bulacan — Nagsimula na nitong Biyernes ng umaga (March 26) ang pagbabakuna sa may 500 health workers at mga front liners dito sa nasabing bayan upang maging proteksyon laban sa Covid-19 na ginanap sa covered court ng Brgy. Poblacion  

Inaayos ni Mayor Rico Roque ang mga AstraZeneca vaccines bago simulan ang pagbabakuna sa mga health workers at mga front liners ng bayan ng Pandi. (Kuha ni Roseth Reyes)

Ayon kay Dra. Maricel Atal, Municipal Health Officer, 540 na doses ng AstraZeneca ang dineliber ng Provincial Health Office para sa unang vaccine rollout sa bayan ng Pandi.

Ang mga empleyado ng mga pribadong ospital kasama ang staff ng isolation facility at rural health unit ng nasabing bayan ang tumanggap ng unang dose ng vaccines.

Sinabi pa ni Dr. Atal na binigyan ng mga leaflets at pamphlets tungkol sa bakuna ang mga babakunahang frontliners at inerihistro sila sa VIMS-IR System ng Department of Health (DOH).

Bago binakunahan ang mga health workers, sumailalim muna sila sa physical assesment at pagkatapos na mabakunahan, pinigil muna sila sa isang waiting area para sa isang oras na post-vaccination monitoring upang matiyak na walang side effects sa kanila ang bakuna.

“Maaaring may mga side effect. Walang vaccine na 100% safe but the benefits outweigh yung mga side effects na iyon,” paliwanag ni Dr. Atal.

Sa panayam naman kay Pandi Mayor Enrico Roque, sinabi nito na ang pagpapabakuna ay isang paraan upang matapos na at malagpasa na natin ang pandemya.

Hinikayat ng Alkalde na magpabakuna ang kanyang mga kababayan upang maligtas sila sa nakamamatay na virus at para hindi na sila makahawa ng kanilang pamilya.

“Positibo ako na mae-encouraged ko ang mga Pandienyo na magpabakuna at hindi lang mabakunahan kundi mapabilis ang proseso ng pagpapabakuna,” ani Mayor Roque.

Idinagdag pa ng alkalde na nag-imbita siya ng mga private doctors na lehitimong mga taga Pandi para tulungan tayo sa vaccine rollout at magsilbing mga vaccinator.

Plano ni Roque na sa 3rd quarter ng taong ito ay dapat na bakunado na ang mga Pandienyo.

Asahan po natin na sa mga susunod na araw ay ang atin naman pong babakunahan ang mga senior citizens, mga mahihina ang resistensya, frontline personnel kasama ang ating mga uniformed personnel at mga nagtatrabaho sa sektor na identified ng IATF, mga teachers, mga social workers, mga indigent, iba pang kawani ng ating lokal na pamahalaan at ang natitirang populasyon sa bayan ng Pandi.

Huling mensahe ni Mayor Roque, “target natin na mabakunahan kahit 70 porsiyento ng populasyon ng Pandi at ang mga health workers at iba pang front liners na una nating tinurukan ang siyang magpapatunay na ito ay ligtas sa kalusugan ng Pandienyo. Kaya mga kababayan ko, matagal tayong nagdusa at nagkulong sa bahay na halos lahat ay naapektuhan, ang ekonomiya at trabaho. Pero ngayon samantalahin natin ang pagkakataon at alisin ang takot. Narito ang pamahalaan upang masiguro ang kaligtasan ng mamamayan.”

“Mga ka-Pandieño, malalampasan natin ang pandemyang ito basta’t tayo’y tulong-tulong at sama-sama,” dagdag pa ng alkalde. (RONDA BALITA Online) 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here