Mga ‘kaluluwang gala’ tuwing Undas

0
161
Opinion Column by Manny Camua Dela Cruz

NABUBUHAY ang mga kwentong katatakutan isang araw bago sumapit ang Undas (November 1). Noong ako ay musmos pang bata, naitanim sa isipan naming mga bata ang maraming kwento tungkol sa kapre, tikbalang, tiyanak, impakto at iba pang horror characters tulad ng napapanood natin sa pelikula.

Sabi ng mga matatanda noong araw, tuwing ika-31 daw ng Oktubre ay maraming kaluluwa ang naglipana sa paligid. Sila raw ang mga kaluluwang-gala na narito lang sa lupa at nagmamasid sa kanilang mga kaanak, kaibigan at mga kakilala noong sila ay nabubuhay pa.

Dahil kaming mga bata noon ay salat sa kaalaman, pinaniniwalaan namin ang mga kwentong supernatural, lalo pa’t nakakapakinig kami ng mga katatakutang drama sa radyo tulad ng “Gabi ng Lagim”.

May nagsasabi din sa amin na huwag daw kaming dadaan sa malaking puno ng sampalok sa aming lugar kapag ‘dis oras ng gabi dahil may lumalabas na kapre roon. Bukod sa kapre, may mga nagtatakbuhan pa raw na mga tikbalang sa lansangan kaya hindi kami pinalalabas ng bahay ng mga matatanda upang hindi raw kami makain ng mga kampon ng kadiliman.

Sa totoo lang, sa buong buhay ko ay hindi pa ako nakakita ng anumang impakto at maligno. Hindi rin ako nakarinig ng tawa o iyak ng tiyanak tulad ng sinasabi sa kwento kaya nang ako ay lumaki at magkaisip ay noon ko napagtanto na ang lahat ng kwentong katatakutan ay pawang kathang-isip lamang at hindi totoo.

Ngayong digital era, may mga taong naniniwala pa rin sa mga kwentong hindi totoo at walang basehan. Kapag mag nagsasabi sa akin na maraming kaluluwang-gala na naglisaw sa gabi ng Oktubre 31, bisperas ng Undas. Sinasabihan ko na lang sila ng pabiro: “Ihuli ninyo ako ng isang mestisang kaluluwa.”

Iyang mga kwentong katatakutan o mga kwentong kababalaghan ay gawa lang iyan ng mga ilustrador na malilikot ang kanilang imahinasyon na kapag nagandahan sa kwento ang mga film producer ay binibili nila ang kwento. Igagawa ng script hanggang sa makabuo ng horror film.

Simuman sa atin ay hindi pa nakakita ng kapre, tikbalang o tiyanak man at kaylanman ay hindi tayo makakakita ng imaginary character na sa pelikulat at sa comics lang masusumpungan. Ang paniwalan natin ay ang mga kaganapang nangyayari sa araw-araw, hindi ang mga kathang-isip na walang katuturan. (RONDA BALITA Online)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here