Mga langaw ‘nilusob’ ang isang sitio sa Balagtas

0
3997
Ilan lamang ito sa mga langaw na araw-araw na sumasalakay sa mga tahanan ng Sitio Sulok sa Panginay, Balagtas, Bulacan na sinasabing nagmumula sa Cundangan Farm na naghahatid rin umano ng mabahong amoy na siyang pinangangambahan ng mga residente rito para sa kanilang kalusugan. (Contributed photo)

BALAGTAS, Bulacan — Hindi lamang sa kinahaharap na crisis sa kalusugan dulot ng coronavirus (Covid-19) disease sa umiiral na Enhanced Community Quarantine (ECQ) nagtitiis ang mga residente sa isang barangay dito sa nasabing bayan kundi maging sa masangsang na amoy at pagdagsa ng mga langaw sa mga kabahayan na malapit sa isang farm ng baboy at manok na maaaring maging dagdag banta sa kanilang kalusugan.

Dahil dito, umaapela sa kinauukulan partikular na sa Kagawaran ng Kalusugan (DOH) at Pamahalaang Bayan ng Balagtas ang mga residente ng Sitio Sulok sa Barangay Panginay kaugnay ng mabahong amoy at libu-libong mga langaw na sumasalakay sa mga kabahayan na nagmumula sa isang farm ng baboy at manok ito.

Ayon sa source na ayaw ipabanggit ang pangalan at mismong residente malapit sa Cundangan Farm, hindi na nila matiis ang mabahong amoy na nagmumula sa nasabing farm gayundin ang laksa-laksang langaw na pumapasok sa loob ng kanilang kabahayan.

Ayon pa sa mga residente, hindi nga sila lumalabas ng bahay dahil na rin sa umiiral na ECQ kaugnay ng Covid-19 subalit pinapasok naman sila ng mabahong hangin at mga langaw na pinangangambahan nilang maaaring magdulot din ng sakit sa kanila lalo na sa mga bata.

Nais nila na agaran itong maaksyunan ng kanilang alkalde na si Mayor Eladio Gonzales at Barangay Captain Rolando “Tabo” Santiago gayundin ang tanggapan ng Bulacan Provincial Health at Regional Office ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).

“Dapat pagtuunan ito ng pansin ng mga kinauukulan, nakasalalay dito ang aming kalusugan at kaligtasan,” ayon sa source.

Source: Erick Silverio

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here