Home National News Mga mamumuhunang Tsino at Ruso, tumulong sa PUV Modernization

Mga mamumuhunang Tsino at Ruso, tumulong sa PUV Modernization

18
0
SHARE
Tinatalakay ni Xu Ning, country manager ng Zhongtong Bus Holding Co. Ltd. kay Vinson Concepcion, information center manager ng Philippine Information Agency (PIA)-Bulacan, ang mga detalye ng configuration ng mga modernong sasakyang mula sa China na uubrang ipalit sa mga lumang units ng UV Express at mga bus. (Kuha ni Shane Frias Velasco)

MARILAO, Bulacan — Tumutulong sa pagsasakatuparan ng malawakang Public Utility Vehicle (PUV) Modernization ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa nabanggit na probinsya ang mga mamumuhunan mula sa mga bansang People’s Republic of China at Russian Federation.

Sa ginanap na Modern Public Utility Vehicle (PUV) Caravan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa SM Marilao, ipinakikilala ng mamumuhunang Ruso na Gazelle Motors Corporation ang Gazelle Next Citiline na pwedeng ipalit sa mga lumang units ng UV Express. Ang Gazelle Motors Corporation ay pinakamalaking gumagawa ng mga sasakyan sa Russian Federation. (Kuha ni Shane Frias Velasco)

Sa ginanap Modern PUV Caravan nu’ng Biyernes (Aug 16), kasamang ipinarada ng LTFRB sa SM City Marilao , ang mga modelong gawa ng mga Tsino at Ruso na iniaalok upang mapagpiliang ipalit sa mga lumang units ng mga dyip, UV Express at bus.

Kabilang diyan ang mga kompanyang Tsino na Zhongtong Bus Holding Co. Ltd., Joylong, Higer at Foton. Habang ipinapakilala naman ng mga mamumuhunang Ruso ang Gazelle Motors Corporation na siyang pinakamalaking gumagawa ng mga sasakyan sa Russia.

Ayon kay Jesus Sison, head ng enforcement ng LTFRB, ang nasabing mga kompanya ay lumahok sa ginanap na Modern PUV Caravan upang makiisa at makatulong sa pagsasakatuparan ng PUV Modernization program ng ahensiya sa buong Pilipinas.

Layunin nito na dumami ang opsiyon o pagpipilian ng mga grupo o kooperatibang pantransportasyon kung anu-ano o alin-aling mga modelo ang nais nilang ipalit sa mga lumang dyip, UV Express at bus.

Para sa LTFRB, masasabing luma na ang mga pampublikong sasakyan kung ito ay lagpas na sa 15 taon.

Sa klasipikasyon ng mga pampublikong sasakyan, mas interesado ang mga mamumuhunang Tsino at Ruso na partikular na alalayan ang mga magpapalit ng units ng UV Express at bus. Halimbawa ang Zhongtong Bus Holding Co. Ltd., ayon kay Xu Ning na country manager nitong kompanya, may binuo silang mga modernong modelo na uubrang ipalit sa mga luma nang UV Express.

Mas mataas ito sa karaniwang van kung saan uubrang tumayo ang mga pasahero at makakaupo naman ang 22 katao nang komportable.

Ang pamumuhunang ito ng Zhongtong Bus Holding Co. Ltd. ay kabilang sa mga business deals na nilagdaan sa kauna-unahang state visit ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa People’s Republic of China noong Oktubre 2016. Bukod sa mga units na pwedeng ipalit sa UV Express, may mga modelo rin ng mga modernong bus ang iprinisinta nitong Zhongtong, Joylong at ang Foton.

Kaugnay nito, ginagawa naman sa bayan ng Plaridel ang P2 bilyong halaga ng pabrika ng bus ng Zhongtong Bus Holding Co. Ltd. upang matiyak na maging tuluy-tuloy ang suplay ng mga modelo sang-ayon sa itinakdang Philippine National Standard (PNS) na ipinapatupad ng LTFRB.

Samantala, ipinakilala naman ng mga Ruso ang Gazelle Next Citiline na iniaalok naman na maipalit din sa mga UV Express. Bukod sa fully airconditioned, pwedeng makatayo nang komportable ang pasahero na hindi mauuntog o sasayad ang ulo. Kasyang makaupo rito ang 23 na katao nang komportable.

Mayroon itong built-in 3-way na Central Circuit Television (CCTV) na may kaukulang hard drive upang maingatan ang mga maiterecords. Kinabitan din ito ng dash camera, reverse integrated rear view camera, flat screen television na may TV plus, 2 din touchscreen audio head unit at Wifi router. Dumating sa Pilipinas ang Gazelle Motors Corporation noong Setyembre 2017 bilang resulta ng maigsi ngunit mabungang pagbisita ni Pangulong Duterte sa Russia noong Mayo 2017.

Source: PIA/Shane Frias Velasco

SHARE
Previous articleDENR: NMIA, itatayo sa lupa at hindi reklamasyon sa Manila Bay
Next articlePUV Modernization in Bulacan, underway
A team of journalist came up with a newspaper that would complement the fast-paced development now happening in the country. Presently, social media, online news, and other multimedia press centers are active nowadays and the people behind RONDA Balita, Lingguhang Pahayagan ng Masang Intelihente created a modern digital news site whose products include newsfeeds, online news releases and advertisements and it is entitled RONDA Balita Online News.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here