Home National News Mga Pilipinong Mangagawa sa abroad, oobligahin nang mag-miyembro sa SSS

Mga Pilipinong Mangagawa sa abroad, oobligahin nang mag-miyembro sa SSS

32
0
SHARE
Ipinapaliwanag ni Social Security System (SSS) President Atty. Emmanuel Dooc sa ginanap na Pulong Balitaan, na target ng SSS na ubligahin ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na maghulog ng kontribusyon.

LUNGSOD NG SAN FERNANDO, Pampanga — Target ng Social Security System (SSS) na ubligahin ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na maghulog ng kanilang mga kontribusyon.

Bukod sa makakatulong ito upang lalong lumago ang pondo ng SSS, makakatulong din ito nang malaki kapag dumating na ang panahon na tapos na ang kanilang kontrata o magdesisyon nang magretiro sa pagtatrabaho sa ibang bansa. Iyan ang tinuran ni Atty. Emmanuel Dooc, pangulo ng SSS, sa ginanap na Pulong Balitaan.

Ipinaliwanag niya na “mas maganda kung ang mga OFWs ay magiging mandatory member. Ang estimate diyan, between 5 to 10 million OFWs. Kung ang average monthly salary niyan ay P10,000, mababa yan, dahil ang kita niya maaaring P50,000. Eh ang kontribusyon ng P10,000 na sweldo ay P1,100. Kung ma-capture lang natin ang ¼, or 25% na estimated na 10 milyong OFWs, we will have P.5 million.

Sa ngayon, ang bilang ng mga OFWs na naka-enroll ay 560,000 lamang,” at kabilang ang mga OFWs sa mga boluntaryong miyembro na naghuhulog.

Sa isang hiwalay na panayam kay Marites A. Dalope, branch manager ng SSS-Baliwag, maaaring magbayad ng kontribusyon ang isang OFW maging siya ay nasa bansang kanyang pinagtatrabahuhan o ipabayad sa kamag-anak dito sa Pilipinas. “Mayroon kaming OW-1 Form na pwede nilang ma-fill up at uubrang bayaran sa mga foreign offices ng SSS sa mga embassy ng Pilipinas kung saang bansa man sila naroon,” aniya.

Samantala, nagpaalala naman si Dooc sa mga miyembrong OFWs na hindi pa nakakapagkumpleto ng kanilang kontribusyon, na hindi sila saklaw ng inilabas na Resolution 728.s-2018 ang Social Security Commission (SSC), na nagpapalawig ng panahon ng pagbabayad ng mga hindi nabayarang kontribusyon para sa taong 2018, hanggang sa Enero 31, 2019.

Mananatiling hanggang Disyembre 31, 2018 ang huling araw ng pagbabayad para sa una hanggang ikatlong quarter ng taong kontribusyon ng mga miyembrong OFW. Tanging ang hulog para sa ikaapat na quarter lamang ang papayagang bayaran hanggang Enero 31, 2019 at hindi ang mga hindi nabayaran sa buong 2018.

Sa kasalukuyang sistema ng SSS, kung ang isang miyembro ay nakalaktaw ng mga buwan sa paghuhulog ng kanyang kontribusyon, hindi na ito hinahabol ng SSS. Ngunit nagkakaroon ito ng epekto sa halaga ng posibleng maging benepisyo pagdating ng panahon. Ngayon, nagdesisyon ang SSS na palawigin at bigyan ng pagkakataon ang mga miyembro na ihulog ang mga hindi pa naiihulog sa nakaraan, partikular na ang mga naapektuhan ng ipinatupad na Real-Time Processing of Contribution (RTPC) program.

Source: PIA

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here