Home National News Mga sasakyan galing NLEX, makakaderecho na sa SLEX sa Disyembre 2019

Mga sasakyan galing NLEX, makakaderecho na sa SLEX sa Disyembre 2019

137
0
SHARE
Inanunsiyo ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Mark Villar na nakatakdang matapos sa Disyembre 2019 ang proyektong Skyway Stage 3. Ipinaliwanag nito na dahil dito, ang mga sasakyan na galing sa North Luzon Expressway (NLEX), na mula sa mga lalawigan sa gitna at hilagang Luzon, ay makakaderecho na sa South Luzon Expressway (SLEX) sa loob ng 15 hanggang 20 minuto nang hindi na dumadaan sa EDSA. (PIA photo)

STA. RITA, Guiguinto, Bulacan — Tiniyak ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Mark Villar na matatapos sa Disyembre 2019 ang konstruksiyon ng kabuuan ng Skyway Stage 3 Project.

Sa ginanap na pulong balitaan sa bayang ito kaugnay ng programang Build-Build-Build ng administrasyong Duterte, sinabi ng kalihim na 75% nang tapos ang 18.68 kilometrong Skyway Stage 3. Ito ang literal na magkakabit sa NLEX Balintawak hanggang sa South Luzon Expressway (SLEX) sa bahagi ng Buendia sa Makati.

Kapag nabuksan ang Skyway Stage 3, ang mga sasakyang mula sa gitna at hilagang Luzon na papuntang Timog Luzon at maging hanggang sa Bicol, ay hindi na kailangang magdaan sa Epifanio Delos Santos Avenue (EDSA) upang makarating sa SLEX. Wala na ring bubunuin na dalawang oras mula sa NLEX hanggang SLEX kung sa EDSA dadaan, dahil sa pagbubukas ng Skyway Stage 3, magiging 15 hanggang 20 minuto na lamang ang biyahe mula NLEX-Balintawak hanggang sa SLEX Buendia.

Bukod sa SLEX, magiging mabilis na rin ang biyahe mula NLEX papunta sa apat na mga terminals ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) dahil nakakabit din ang Skyway Stage 3 sa Stage 1 nito sa Buendia. Mula rito mabilis nang mararating ang Nichols interchange na daanan papuntang NAIA Expressway (NAIAX), na may derechong rampa papuntang NAIA Terminal 1, Terminal 2 at Terminal 3.

May mga akyatang rampa at babaang rampa ang Skyway Stage 3 sa E. Rodriguez sa lungsod Quezon. Sa lungsod ng Maynila, mayroon sa Nagtahan-Aurora Boulevard, Plaza Dilao sa Paco, at sa President Quirino Avenue. Pinakahuling rampa nito ay sa SLEX-Buendia.

Kaugnay nito, sinabi naman ni Luigi Bautista, pangulo ng NLEX Corporation, na patuloy ang ginagawang pagpapaluwag sa daloy ng trapiko sa bahagi ng NLEX sa Balintawak, Camachile at sa Cloverleaf habang nasa kasagsagan ng konstruksiyon ng Skyway Stage 3 sa bukana ng NLEX. Sapagkat sa mga lugar na ito, lumalabas at nagbababa ng mga pasahero ang mga bus galing sa gitna at hilagang Luzon. Inuubliga na rin ang lahat ng mga trak na papunta sa Pier ng Maynila na sa NLEX-Harbor Link na dumaan upang hindi na makadagdag sa mga sasakyang dumadaan sa NLEX- Balintawak, kung saan kasalukuyang idinudugtong ang Skyway Stage 3.

Source: PIA

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here