ANG pagdiwang ng araw ng Pasko sa Pilipinas ay nagpapakita ng iba’t-ibang mga kaugalian at tradisyon ng mga Pilipino. Pero sa paglipas ng maraming mga taon ang mga kaugaliang ito ay unti-unting nahaluan ng ibat ibang mga kaugalian ng mga maka-Kristiyanong paniniwala mula sa maraming mga bansa.
Ang Paskong Pinoy ay sumasagisag sa mayamang impluwensya ng tradisyong dala ng mga Kastila sa Pilipinas, katulad na lamang ng mga inilalagay na Belen, Christmas tree, Parol at ang Misa de Gallo o ang tradisyon na Simbang Gabi.
Ang pagkakaisa ng iba’t-ibang mga kultura sa paglipas ng mahabang panahon ay nagpalaganap ng sari-saring mga tradisyon na katulad ng pagbubusa ng kastanyas at ang sinasabing White Christmas na na ang orihinal ay nagmula sa bansang Amerika at Europa.
Sa mga bansa ring ito minana natin ang ginagawang pagbibigay ng mga Christmas cards, ang pag-awit o pagpapatugtog ng mga mga himig pamasko at ang nakilala nating si Santa Claus na noong una ay tinawag muna sa pangalang Saint Nicholas.
Maliban dito, naisulong din sa mga Pinoy ang mga dayuhang tradisyon na paglalagay ng Christmas tree sa mga bahay kasama na ang pagsasabit ng mga makukulay na Christmas light na hanggang sa kasalukuyan ay makikita pa rin sa loob ng maraming mga bahay Pilipino sa panahon ng kapaskuhan.
Ang iba pang makabuluhang kaugalian na sinusunod ng mga Pilipino sa tuwing sumasapit na ang panahon ng Kapaskuhan ay ang impluwensya ng mga bansa sa Asya na katulad ng Tsina, ng bansang Hapon, ng Malaysia, ng Indonesia at ng India.
Ang ilan sa mga tradisyon o kaugaliang naka-impluwensiya pa sa mga Pilipino ay ang pagluluto ng ibat ibang mga putahe para sa tinatawag na Notse Buena, kabilang na ang mga makabagong sayaw, ang parada at ang prusisyon sa gabi na may dalang mga nakasinding kandila na ginaganap sa mga lansangan. Nariyan din ang ibat- ibang mga palaro at higit sa lahat ay ang paggamit ng ibat- ibang uri ng mga paputok sa paghihiwalay ng taon.
Salubungin po natin ang pagpasok ng taong 2018 sa pamamagitan ng isang panalangin na may kalakip na mga pasasalamat sa POONG LUMIKHA, dahil lumipas sa ating buhay ang isang taon na ligtas sa mga sakit at kapahamakan.
Ingat po tayo sa paggamit ng mga paputok. Isang Mapagpalang Bagong Taon po sa ating lahat. Welcome 2018 Year of the Dog.