Mindoro-Batangas Super Bridge

0
982

NAKATUTUWANG pag-usapan ang balita tungkol sa planong pagtatayo ng super bridge na mag-uugnay sa lalawigan ng Batangas at sa island province ng Mindoro.

Ayon sa ulat, may habang 15 kilometro ang itatayong tulay na may dalawang bahagi. Ang 8.5 kilometro ay magsisimula sa Mindoro hanggang Isla Verde at ang nalalabing 6.5 km ay uugnay naman sa Verde Island at tatawid ng Batangas.

Tulad ng mahahabang tulay sa bansang China, ang itatayong super bridge o tinawag ding gigantic floating bridge ay world class, ayon sa website ng Department of Public Works and Highways (DPWH). Samakatuwid, kaya ng Pilipinas na magtayo ng mataas na uri ng tulay na maihahambing sa mga tulay sa mauunlad na bansa sa mundo.

Ang Isla Verde ay isang tourist destination, pero walang serbisyo ng kuryente doon. Umaasa lang daw sa solar panel para magkailaw at makagamit ng electric fan ang mga turistang dumadayo sa isla at ang pagkuha ng tubig sa ilalim ng lupa ay ginagamitan ng motor para mapaakyat at tubig sa imbakan ng tubig.

Kasama daw sa itatayong tulay ang pagkokonekta ng elektrisidad na manggagaling sa Luzon grid para mapalakas at mapalawak ang serbisyo ng kuryente sa Mindoro, maging sa Isla Verde. Kaya mapauunlad ang turismo sa Verde Island at lalong yayabong ang tourism industry sa Puerto Galera kapag mayroon ng tulay na mag-uugnay sa Luzon at Mindoro.

Ang maganda pang balita ay magkakaroon ng bicycle at pedestrian lanes ang itatsyong tulay. Isipin mo na lang na kapag naitayo ang tulay ay puwede ka nang maglakad o magbisikleta mula Batangas hanggang Mindoro.

Hindi kasi madali ang biyahe na sasakay ka pa ng barko para makapunta ng Mindoro o sumakay ng eroplano na mahal ang airfare. Mas mabibigyan ng kaluwagan ang mga mamamayan ng Luzon at Mindoro sa pamamagitan ng tulay.

Layunin daw ng proyektong tulay na mapalakas ang negosyo at kalakalan sa Mindoro at mapapaburan ng tulay na ito ang mga farmer ng Mindoro dahil mabilis na nilang maibibiyahe sa Luzon ang kanilang agricultural products.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here