Mobile Clinic ng Kapitolyo, nakatakdang bumiyahe sa 569 barangay sa Bulacan

0
417
Inihahanda na ng Kapitolyo ang bago nitong Bulacan Mobile Clinic na magiging pangunahing bahagi ng 'Damayan sa Barangay' na isang programa ni Gobernador Daniel R. Fernando na naghahatid ng iba't ibang tulong partikular na ang serbisyong medikal. (Kuha ni Shane F. Velasco)

LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan —  Iginagayak na ng Kapitolyo ang mas malaki nitong Mobile Clinic na nakatakdang bumiyahe sa 569 na mga barangay sa Bulacan, upang makapagbaba ng iba’t ibang serbisyong medikal.

Ayon kay Gobernador Daniel R. Fernando, bahagi ito ng pagsasakatuparan sa isa sa kanyang People’s Agenda 10 kung saan kabilang ang kalusugang pangkalahatan. Magiging komposisyon ang bagong Bulacan Mobile Clinic ng ‘Damayan sa Barangay’ na isang programa ng pamahalaang panlalawigan upang maibaba sa mga barangay ang mga proyekto nang hindi na kailangan pang sumadya sa Kapitolyo sa Malolos.

Isa itong 12-wheeler na modified bus na may mga pangunahing pasilidad pangkalusugan gaya ng operating room, ultrasound, X-Ray, Laboratory, check-up room at iba pang kasangkapan at kagamitan na kailangan sa paggagamot. May halagang P29 milyon ang inilaan para maisakatuparan ang Bulacan Mobile Clinic.

Pinag-aaralan ngayon ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ang sistematikong pagbaba sa mga barangay nitong Mobile Clinic ngayong nararanasan pa ang pandemya ng COVID-19. Nauna nang sinabi ni Dra. Jocelyn Gomez sa isa sa mga pulong ng lokal na Inter-Agency Task Force against COVID-19 na bagama’t may pandemya pa, dapat mas lalong bigyang pansin at tutukan pa rin ang iba pang sakit.

Kaugnay nito, makakasama ng bagong Bulacan Mobile Clinic ang iba pang serbisyong de-gulong ng Kapitolyo sa pagbaba ng ‘Damayan sa Barangay’ Dental Health Bus at Botika sa Barangay van.

Source: PIA Bulacan

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here