Home National News Muling pagpaparami ng Kawayan sa Bulacan, isinulong ngayong Singkaban

Muling pagpaparami ng Kawayan sa Bulacan, isinulong ngayong Singkaban

29
0
SHARE
Ito ang arko ng kinayas na Kawayan na tinatawag na Singkaban. Itinatayo ito sa bukana ng isang barangay o barrio na nagdiriwang ng pista bilang pansalubong sa mga namimiyesta. Dahil ang Kawayan ang pangunahing hilaw na materyales sa paggawa ng arkong Singkaban. (Kuha ni Shane Frias Velasco)

LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Isinusulong ngayong pagdiriwang ng Singkaban Festival 2019 ang muling pagpaparami ng mga tanim na Kawayan sa buong lalawigan.

Nagiging limitado na kasi ngayon ang pinagkukuhanan ng buho ng Kawayan upang gawing Singkaban.

Ang Singkaban ay isang arko ng kinayas na Kawayan na itinatayo sa bukana ng isang barangay o barrio na nagdiriwang ng isang pista. Ito’y upang ipagsalubong sa mga namimiyesta at isang simbulo ng masayang pagdiriwang sa isang partikular na may pista. Sa arkong Singkaban nagsisimula ang gayak ng mga tawid-tawid o banderitas tuwing may pista.

Kaya naman sa pagbubukas ng Singkaban Festival 2019, nagpahayag ng suporta si Senador Cynthia A. Villar, na siyang panauhing pandangal, na maparami ang mga tanim na Kawayan sa Bulacan. Aniya, bukod sa magagamit ito sa paggawa ng mga Singkaban, uubrang mapagkuhanan ng kabuhayan ang Kawayan mula sa iba’t ibang paggagamitan gaya ng tradisyunal na Parol.

Ayon naman kay Department of Trade and Industry (DTI) Assistant Regional Director Zorina Aldana, na nakikiisa rin sa Singkaban Festival 2019, magandang pagkakataon ito upang mapalawak sa Bulacan ang National Bamboo Program

Sa kasalukuyan, walang naitatalang malawak na taniman ng Kawayan sa Bulacan ngunit karaniwang matatagpuan ito na nakakumpol sa tabi ng mga ilog at mga sapa. Taong 2007 pa nang huling nagkaroon ng malawakang pagtatanim ng Kawayan sa Bulacan.

Kaugnay nito, tiniyak ni Gobernador Daniel R. Fernando na magiging prayoridad ito ng kanyang bagong administrasyon lalo nang kasama ito sa kanyang People’s Agenda 10 na nasa ikawalong punto na Mabiyayang Kalikasan at Malinis na Kapaligiran.

Bukod sa pagiging isang hilaw na materyales sa paggawa ng mga likhang kamay gaya ng arkong Singkaban at tradisyunal na parol, nagsisilbing natural na riprap o dike ang mga Kawayan upang hindi matibag ang lupa sa gilid ng mga ilog o sapa. Ito’y upang hindi bumabaw ang sahig sa ilalim ng nasabing mga anyong tubig at maiwasan ang pagbabaha.

Samantala, mauugat sa kasaysayan ng Bulacan na nagsimula ang pagdiriwang ng Singkaban Fetival noong taong 1987 bilang Linggo ng Bulacan. Naging bantad sa bawat okasyon at gawain ng Linggo ng Bulacan noon ang mga arkong Singkaban na naging bukambibig na rin ng mga Bulakenyo.

Kaya’t noong taong 2005, opisyal nang pinangalanan ang pagdiriwang ng Linggo ng Bulacan bilang Singkaban Fiesta na bukod sa pagkilala sa arkong kinayas na kawayan ay binigyang kahulugan bilang Sining at Kalinangan ng Bulacan. Hanggang noong 2010, nang simulang tawagin itong Singkaban Festival mula sa dating Singkaban Fiesta.

Source: PIA

SHARE
Previous article5 wanted persons, 6 other suspects collared in Bulacan
Next articleDTI Bulacan to hold another Diskwento Caravan
A team of journalist came up with a newspaper that would complement the fast-paced development now happening in the country. Presently, social media, online news, and other multimedia press centers are active nowadays and the people behind RONDA Balita, Lingguhang Pahayagan ng Masang Intelihente created a modern digital news site whose products include newsfeeds, online news releases and advertisements and it is entitled RONDA Balita Online News.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here