Home EXTRAFONTS Myth lang pala si ‘St. Valentine’

Myth lang pala si ‘St. Valentine’

339
0
SHARE
Opinion Column by Manny Camua Dela Cruz

ANG petsang Pebrero 14 ay makulay na araw para sa magsing-irog. Ang tradisyon sa petsang ito ay tinawag na Valentine’s Day. Bakit Valentine? Sino si Valentine? Madalas nga nating marinig na ang Valentine’s ay binibigkas ng ‘balentayms’. Noong wala pang Internet, nasisiyahan na ang magnobyo kapag pinadadalhan ng Valentine card ang isa’t isa sa pamamagitan ng koreo.

Kung may kumpanya na gumagawa ng iba’t ibang klase ng gift cards na pinakasikat sa mundo ay ang Hallmark. Nagsimula silang gumawa ng card noong 1910 kaya naman ang Valentine’s cards, Christmas cards, birthday cards kapag produkto ng Hallmark ay may kalidad.

Sino naman si St. Valentine na iniuugnay noon sa okasyon tuwing Pebrero 14? Alam ninyo, maraming paring martir ang Simbahang Katolika na ang pangalan ay Valentine. Tulad na lang ng isang paring Romano na ang pangalan ay Valentine na namatay na martir noong AD 269 dahil sa kanyang pananampalataya at may iba pang martir na ang pangalan ay Valentine na dinakila ng Simbahang Katolika dahil sa kanilang pagiging martir.

Mayroon pang kwento na may isang pari na ang pangalan ay Valentino na sinabing nilabag ang utos ng emperador na nagbabawal na ikasal ang mga lalaking sundalo. Naniniwala kasi ang emperador na magiging matatag at matibay ang loob ang isang sundalo kapag siya ay walang asawa at pamilya. Pero patuloy pa rin daw si Valentino ng pagkakasal ng palihim sa magnobyo na ang kasintahan ay sundalo.

Nalaman daw ng emperador ang ginawang paglabag ni Valentine sa kanyang kautusan kaya kanyang ipinahuli si Valentino, ikinulong at hinatulan ng kamatayan.
Bahagi pa ng istorya na habang naghihitay ng kanyang sentensiya si Valentino, mula sa bintana ng kulungan ay naghulog siya ng sulat na nakasulat doon ang mga katagang “From your Valentine” at doon na nga nagsimulang uminog ang istorya ng pag-ibig.

May Valentine din na ginawang santo. Noong araw, ang Pebrero 14 ay ginawang kapistahan daw ni Saint Valentine — dinadasalan siya ng kanyang mga deboto, pero nirebisa ng Simbahang Katolika ang kanilang kalendaryo at noong 1969 ay inalis nila ang titulong ‘St Valentine’ sa gayong petsa hindi naman napatunayan na nagkaroon ng isang tao na naging santo dahil sa istorya ng pag-ibig dahil ang pari ay hindi pinapayagang mag-asawa.

Bumida rin sa okasyong ito ang kathang-isip na si kupido. Ang imaginary character na ito ay inilarawan sa isang batang nakabahag na may hawak na pana at palaso. Kapag pinana raw ni kupido ang pusong hindi marunong umibig ay lumalambot iyon at natututong umiibig sa kanyang napupusuan.

Kahit tinanggal na sa kalendaryo ang titulong ‘St. Valentine’, pinalitan naman ang tradisyon ng pamagat na ‘Araw ng mga Puso’. Tinanggap naman ng sangkatauhan ang titulong ito dahil pangkalahatan ang termino at walang diwang relihiyon.

Tanggap din naman ng born again churches ang okasyong ipinagdiriwang tuwing Pebrero 14, pero hindi Valentines Day, ang titulo ng Christian festivity kungdi “Hearts Day” o Araw ng mga Puso, dahil ang Diyos ay pag-ibig at ang sinomang umiibig sa kanyang kapwa ay umiibig sa Diyos — pag-ibig na walang halong pag-iimbot, pagbabalatkayo at pagtatangi.

Sa Araw ng mga Puso ay pakakatandaan ang ginintuang aral buhat sa Banal na Aklat, tungkol sa tunay na pag-ibig: “Ang pag-ibig ay matiyaga at magandang-loob, hindi maiinggitin, hindi mayabang ni mapagmataas man, hindi magaspang ang pag-uugali, hindi makasarili, hindi magagalitin, o mapagtanim sa kapwa. Hindi niya ikinatutuwa ang gawaing masama, ngunit ikinagagalak ang katotohanan. Ang pag-ibig ay mapagpatawad, mapagtiwala, puno ng pag-asa, at mapagtiis hanggang wakas.” (1 Corinthians 13:4-7)

SHARE
Previous article11 OFW na ‘naburyong’ sa Jeddah, pinaiimbestigahan!
Next articleWorking toward the attainment of the goal of  President Duterte  
SI Manny Camua Dela Cruz ay hindi nag-aral ng kursong dyornalismo, subalit naging bihasa sa pagsusulat ng balita, lathalain at sanaysay. Ang kanyang talento ay pinanday ng mahabang karanasan sa larangan ng pamamahayag: Photo journalist sa simula; kalaunan ay naging provincial correspondent ng iba't ibang mga pahayagang nasyonal, naging reporter ng national dailies sa Kamaynilaan at naging editor ng national tabloid, naging editor ng national weekly news magazine. Sa kasalukuyan ay editor/editorial consultant ng ilang provincial-based newspaper sa Bulacan, kolumnista at contributing editor/writer nitong Ronda Balita Online/Weekly Newspaper.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here