Home EXTRAFONTS Naghaharing mga Intsik sa West Phil. Sea

Naghaharing mga Intsik sa West Phil. Sea

32
0
SHARE
Opinion Column by Manny Camua Dela Cruz

MATINDI talaga ang karakas nitong mga Intsik na sinasabing nanagasa at nagpalubog sa bangka ng mga mangingisdang Pilipino, sa lugar ng Recto Bank, sa West Philippine Sea, kamakailan.

Ang Recto Bank, ayon sa survey na isinagawa ay lugar na maraming nakadepositong langis at natural gas sa kailaliman nito. Sakop din ito ng 200 nautical miles exclusive economic zone ng Pilipinas, pero inaangkin ng Tsina

Emosyonal na humarap sa media ang may-ari at kapitan ng F/B GemVir 1 na sina Felix DelaTorre (may-ari) at Junel Insigne, kapitan ng bangka at kanyang itinanggi ang paratang na ipinaabot ng embahada ng Tsina na ang mga mangingisdang Pinoy pa umano umatake sa malaking barko ng mga Intsik.

Ayon sa pahayag ng mga mangingisda, binaliktad ng mga Intsik ang pangyayari. Kasalukuyan umano silang nakahimpil sa naturang lugar nang gabing nangyari ang insidente. Nakababa umano ang angkla ng kanilang bangka at nakasindi rin umano ang maliwanag na mga ilaw sa bangka nang sila ay sagasaan ng barko ng mga Intsik.

Nawasak umano ang isang bahagi ng kanilang bangkang pangisda at halos lumubog na sa tubig kaya lahat ng kanilang huling isda at mga kagamitan ay natapon lahat. Sandali umano silang binalikan at inilawan ng mga Intsik sa pag-aakala ng mga mangingisdang Pinoy na sasagipin sila subalit iniwan umano silang nakalutang sa tubig.

Mabuti na lamang at may napagawing Vietnamese fishing vessel sa lugar na kanilang kinaroroonan at sila ay sinagip at ang mga dayuhan ding nabanggit ang rumadyo sa Philippine Coast Guard at ang BRP Ramon Alcaraz naman ang sumundo sa kanila sa Recto Bank.

Mahirap talagang magtiwala sa mga Intsik na namamalagi sa karagatang sakop ng ating territorial waters dahil nakatatak na sa kanilang mga isipan na kanila na ang 90 porsiyento ng South China Sea, kung saan bahagi ng karagatang ito ang West Philippine Sea.

Kaya gayon na lamang kaliit ang pagtingin nila sa mga mangingisdang Pilipino — sinasagasaan at itinataboy sa sarili nating karagatan. Hindi nila kinikilala na sa katubigang iyan ay umiiral ang malayang nabigasyon kaya sa tuwinang naglalayag doon ang mga barkong pandigma ng Estados Unidos, ay kanilang sinisita pero hindi naman nila mabanatan.

Bakit? Dahil mas malakas kaysa Tsina ang puwersang sandatahan ng Amerika: sa lupa, sa himpapawid at sa karagatan man. Hindi sila takot sa Pilipinas dahil kaya nila tayong durugin sa maikling panahon dahil mas malakas ang kanilang puwersang militar kaysa Pilipinas.

Pero sa usaping legal ay nakalalamang ang Pilipinas dahil tinalo natin ang Tsina sa Permanent Court of Abitration, na isinagawa sa The Hague, Netherland. hinggil sa kasong isinampa ng Pilipinas laban sa China dahil sa kanilang pag-angkin sa 90 porsiyento ng South China Sea, kasama ang malawak na karagatang sakop ng Pilipinas sa paraan na tinawag nilang “Nine-dash line” at pag-reclaim sa mga buhanginan na sakop ng WPS.

Kaya kahit ano pang pakikipagmabutihan ang gawin ng Pilipinas sa pamahalaan ng Tsina ay hindi pa rin nila makontrol ang mga kababayan nilang abusado na namamalagi at nakabantay sa naturang karagatan na kapag naisipang bulihin ang mga Pilipinong mangingisda sa West Philippine Sea ay wala tayong magawa kungdi ang magsampa ng diplomatic protest.

Hindi naman magarantiyaham ng Tsina na kanilang masusupil ang ginagawa ng mga Intsik sa ating mga kababayan tulad ng nangyaring pagbangga sa bangkang pangisda ng mga Pilipino. (RONDA Balita Online News)

SHARE
Previous articleProblema ng tubig, quarry at edukasyon prayoridad sa Pandi
Next articleIsyu sa San Jose del Monte at Pandi, Bulacan
SI Manny Camua Dela Cruz ay hindi nag-aral ng kursong dyornalismo, subalit naging bihasa sa pagsusulat ng balita, lathalain at sanaysay. Ang kanyang talento ay pinanday ng mahabang karanasan sa larangan ng pamamahayag: Photo journalist sa simula; kalaunan ay naging provincial correspondent ng iba't ibang mga pahayagang nasyonal, naging reporter ng national dailies sa Kamaynilaan at naging editor ng national tabloid, naging editor ng national weekly news magazine. Sa kasalukuyan ay editor/editorial consultant ng ilang provincial-based newspaper sa Bulacan, kolumnista at contributing editor/writer nitong Ronda Balita Online/Weekly Newspaper.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here