Home EXTRAFONTS Naglahong katutubong isdang ilog

Naglahong katutubong isdang ilog

17
0
SHARE
Opinion Column by Manny Camua Dela Cruz

SA aming lugar na malapit sa Ilog Angat ay maraming nahuhuling iba’t ibang uri ng isda na karamihan ay malalaki. May nahuhuli roong ilang uri ng isda na umaabot ng lima hanggang pitong kilo ang timbang na kung tawagin sa aming lugar ay taylan, bikaw at turnilyo.

Kung kailan dumami ang nahuhuling malalaking isda sa Angat River ay marami sa aking mga kabarangay ang hindi kumakain ng naturang mga isdang ilog at ilang mangingisda na lamang ang intresadong manguhuli ng isda dahil hindi naman nabibili ang kanilang mga huling isda.

Ang pangunahing dahilan marahil kung bakit inaayawan ang isda sa ilog ay ang pagiging polluted ng Angat River. Hindi masarap ang lasa ng isda na nahuhuli sa naturang ilog. May nagsasabi na lasang gilik at sobrang tabang.

Maging ako man ay hindi rin kumakain ng isdang nahuhuli sa Ilog Angat, dahil hindi talaga magustuhan ang lasa. Kaya lumalaki ang populasyon ng nasabing mga isda sa Angat River dahil hindi nakasanayang kainin ang nasabing mga isda.

Hindi na nga maibabalik ang kahapon na kung saan ang Angat Rivet ay mababaw pa. Tuwing umaga kapag low tide sa Manila Bay, ang tubig sa Angat River ay bumababaw. Lumilitaw ang malawak na buhanginan o riverbed kaya nakatatawid kami sa kabilang ibayo ng ilog sa pamamagitan ng paglakad sa buhanginan.

Ang tubig ay muling bumabalik at maglalaho ang buhanginan sa tanghali at lumalalim ang ilog hanggang 15 talampakan pagsapit ng gabi, depende sa oras ng high tide sa Manila Bay, na siyang nagtutulak sa agos ng ilog pabalik.

Natatandaan ko pa ang mga katutubong isda na nahuhuli noong malinis pa at hindi pa naku-quarry ang makapal na buhangin sa Angat River tulad ng ayungin, biya, malakapas, bangus, alugasin, bidbid, buwan-buwan, kitang, dalag at kanduli.

Ang isdang ayungin ang paborito kong isdang ilog. Sa pamamagitan ng bingwit ay nakakahuli ako ng ayungin ng higit isang kilo sa loob ng isang oras na pamimingwit kaya kapag nagpaksiw nito ang aking lola ay halos mapuno ang palayok.

Ang kitang naman at malakapas na aking nabingwit ay pinapiprito ko. Masarap namang nilagat ang kanduli kaya nakakaraos ang buong maghapon na ang ulam ng bawat pamilya ay galing sa biyaya ng Ilog Angat.

Sa panahong ay wala na ang ayungin, kitang, biya, malakapas at iba sa Angat River. Tamang malalaking isda na lamang ang nahuhuli ngayon sa Ilog Angat, pero ang lasa naman ay hindi ko magustuhan kaya ang aking mga kabarangay ay sa palengke at sa tiangge bumibili ng isdang dagat at isdang tabang tulad ng tilapya at bangus na pawang huli sa palaisdaan. (RONDA Balita Online News)

SHARE
Previous articleTuparin ang mga pangako!
Next articleAnong galing meron si DE Ramiro Cruz?
SI Manny Camua Dela Cruz ay hindi nag-aral ng kursong dyornalismo, subalit naging bihasa sa pagsusulat ng balita, lathalain at sanaysay. Ang kanyang talento ay pinanday ng mahabang karanasan sa larangan ng pamamahayag: Photo journalist sa simula; kalaunan ay naging provincial correspondent ng iba't ibang mga pahayagang nasyonal, naging reporter ng national dailies sa Kamaynilaan at naging editor ng national tabloid, naging editor ng national weekly news magazine. Sa kasalukuyan ay editor/editorial consultant ng ilang provincial-based newspaper sa Bulacan, kolumnista at contributing editor/writer nitong Ronda Balita Online/Weekly Newspaper.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here