Home EXTRAFONTS Nagparamdam na si Amihan

Nagparamdam na si Amihan

9
0
SHARE
Opinion Column by Manny Camua Dela Cruz

ILANG araw na ang nakalilipas, naramdaman na sa malaking bahagi ng Luzon, partikular sa mga lalawigan norte ang pag-ihip ng hanging amihan o northeast wind. Kaya lang, may kasamang ulan ang malamig na simoy ng hangin.

Sadyang magkaiba ang weather system sa kani-kaniyang panahon. Ang hanging habagat ay karaniwang nararamdaman sa huling bahagi ng buwan ng Hunyo at tumatagal ito hanggang buwan ng Setyembre.

Itong namang amihan ay nito lang huling bahagi ng Oktubre nagparamdam kaya kung naging maulan noong panahon ng habagat ang mga lugar sa western parts ng Luzon at Visayas, ito namang silangang bahagi ng Luzon ang makakaranas ng mga pag-ulan ngayong panahon ng amihan.

Nitong buwan ng Agosto ay napagawi kami sa Barangay Paltic, sa bayan ng Dingalan. Kasagsagan noon ng habagat dito sa Bulacan kaya nang bumiyahe kami paalis ng Plaridel ay malakas ang buhos ng ulan.

Pagsapit namin sa Cabanatuan City sa Nueva Ecija, ay bahagyang pag-ambon lang ang aming naranasan at habang binabaybay namin ang daang Talavera-Pantabangan ay maaliwalas ang kalangitan pagsapit namin sa lugar ng Palayan City.

Pagsapit naman namin ng bayan ng Bongabon, sa lalawigan din ng Nueva Ecija, sa lugar na maraming tanim na sibuyas ay maalikabok na ang kalsada. Hindi pala gaanong inaabot ng habagat ang lugar na iyon at nang sapitin namin ang bayan ng Dingalan, sa lalawigan ng Aurora ay mistulang tag-araw ang panahon doon.

Kaya pala, hindi napupuno ang imbakan ng tubig ng Angat Dam dahil hindi gaanong nakapagbigay ng maramihang pag-ulan ang habagat sa lugar ng Angat watershed.

Pero sa pagpasok ng amihan ay seguradong makakatikim ng masaganang ulan ang watershed ng Angat dahil ang amihan ay may mga pag-ulan din namang taglay lalo na kung may bagyong pumasok sa PAR, kapag masidhi itong northeast monsoon o amihan.

Kung minsan, ang araw ng Undas ay inuulan, gayundin naman ang buwan ng Disyembre na kung minsan ay nagsisiyam ang pag-ulan kaya kung may balak kayong mamasyal sa Baguio City ngayong darating na Disyembre at nasabay ang inyong paglalakbay sa panahong maulan ay tiyak na hindi kayo mae-enjoy sa inyong pamamasyal.

Pero kung maganda naman ang panahon ay mainam na mamasyal sa Siyudad ng Baguio dahil tiyak na mararamdaman ninyo ang malamig na klima na kung minsan ay umaabot sa antas na 12 degrees Celsius. Malamig ang antas na iyan. (RONDA BALITA Online)

SHARE
Previous articleKalinisan ng sementeryo sa LSJDM, kapuri-puri
Next articleKailan nga ba magkakaroon ng tunay na malasakit sa kalikasan?
SI Manny Camua Dela Cruz ay hindi nag-aral ng kursong dyornalismo, subalit naging bihasa sa pagsusulat ng balita, lathalain at sanaysay. Ang kanyang talento ay pinanday ng mahabang karanasan sa larangan ng pamamahayag: Photo journalist sa simula; kalaunan ay naging provincial correspondent ng iba't ibang mga pahayagang nasyonal, naging reporter ng national dailies sa Kamaynilaan at naging editor ng national tabloid, naging editor ng national weekly news magazine. Sa kasalukuyan ay editor/editorial consultant ng ilang provincial-based newspaper sa Bulacan, kolumnista at contributing editor/writer nitong Ronda Balita Online/Weekly Newspaper.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here