Naisisingit pa rin ang bisyo sa gitna ng GCQ

0
127
EXTRA FONTS, an opinion column by Manny Camua Dela Cruz

ANG pangunahing layunin ng pamahalaan sa muling pagsasailalim sa General Community Quarantine ang Metro Manila, ilang lalawigang karatig nito kabilang na ang Bulacan, dahil sa mabilis na paglaki ng bilang ng mga taong tinatamaan ng Covid 19 araw-araw.

Kamakailan lang ay naitala ang pinakamataas na bilang na umabot sa 8,773 ng mga taong infected ng covid at ito ay nangyari sa loob lamang ng isang araw at ang pangunahing dahilan kung bakit dumarami o patuloy sa pagtaas ng bilang ng mga taong nagkakasakit ng covid ay ang mga pagsuway sa ipinaiiral na health protocols.

Paulit-ulit nang sinasabi na huwag magkumkumpulan tulad ng tagayan sa inuman at ang mahabang oras na pagsasama-sama sa pasugalan ng mga taong isinisingit pa rin ang kanilang mga bisyo kahit pa nasa ilalim tayo ng GCQ.

Bukod sa inuman at sugalan ay mayroon pa ring nagdaraos ng tupada. Alam naman ng lahat na noon pa mang wala pang pandemya ay ipinagbabawal na ng batas ang tupada at ngayon ngang may pandemya na ay may mga pasaway pa ring mga sabungero ang nagsasagawa ng tupada.

Ang social distancing ay ipinatutupad sa ilalim ng GCQ at kahit nga nasa kalagayan tayong MGCQ noon ay mahigpit pa ring ipinagbabawal ang pagdidikit-dikit dahil mabilis ang paghahawahan ng virus kapag magkakadikit o magkakalapit ang mga tao.

Hindi alam ninuman kung sino-sino ang may taglay na coronavirus kahit pa sabihing malulusog silang tingnan. Ang mga asymptomatic kasi o ang mga tao na  taglay ang Covid 19 pero malalakas sila at hindi kinakikitaan ng sintomas ng covid disease.

Hindi rin alam marahil ng maraming Noypi, na ang mga taong asymptomatic o carrier ng virus ay nakapaghahawa. Naisasalin nila ang virus sa pamamagitan ng anilang pagsasalita sa kanilang mga katabi o kaharap.

Kaya hindi mapuksa ang Covid 19 dahil nagpapalipat-lipat lang sa mga tao ang mikrobyong ito. Pero kung paiiralin ang social distancing, regular at tamang pagsusuot ng face mask at face shield at sasabayan pa ng regular na paghuhugas ng mga kamay ay garantisadong may protection ang sinumang tumatalima sa health protocols.

Pero kung patuloy na paiiralin ang katigasan ng ulo, magpapakampante at magpapatuloy sa mga maling gawain tulad ng pagsusugal, patutupada at pag-iinuman habang nasa paligid-ligid lang ang Covid 19 ay magpapaulit-ult na lang ang pagdedeklara ng mahihigpit na restriksiyon.

Gusto pa ba natin na muli tayong bumalk sa mas mahigpit na restriction tulad ng Enhanced Community Quarantine na nalaganapan ng checkpoint ang mga pangunahing lansangan hanggang sa mga barangay road na kung saan ay itinigil ang transportasyon at maraming obrero ang hindi nakapahanapbuhay.

Gusto ba natin na maulit ang dating kalagayan ng bansa noong unang ideklara ang pandemya? Mag-isip isip naman ang mga  kababayan nating pasaway. (RONDA BALITA Online)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here