Nakakaalarma ang sandamakmak na shabu na nalambat sa Bulacan!

0
165

SA loob lang po ng dalawang Linggo o 15 araw ay sandamamakmak na shabu, as in bilyon ang halaga, ang nasamsam ng ating mga otoridad sa ibat-ibang parte ng Bulacan.

Ni sa hinagap ay ayaw kong isipin na “shabu capital” na ang ating lalawigan pero nakakaalarma na po dahil lubhang napakarami po talaga.

Pero hayaan ninyo munang mailahad ko ang mga anti-illegal drug operations na isinagawa ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Bulacan PNP sa loob ng dalawang Linggo.

Ito po ang yung mga big-time group lang o sindikato ng droga at hindi pa kasama dito yung mga small time o tinatawag na mga “dagang dingding.”

June 4 natagpuan sa isang warehouse sa Marilao ang shabu na nagkakahalaga ng P5.14 bilyon na may timbang na 756 kilo. Dito naaresto ang isang Chinese national at dalawang pinay. Halos nabulaga ang buong sambayanan sa dami ng shabu na nasabat dito.

June 5 naman nakuha sa mag-partner na ‘tulak’ ang halaga ng shabu na aabot sa P408,000 sa Borol 1st, Balagtas, isang araw lang ang nakalipas nang makadiskubre ng bilyong halaga ng shabu sa Marilao.

June 10 nadakip ng Malolos police ang isang security guard sa isinagawang buy-bust operation sa Brgy. Tuktukan, Guiguinto at nakuhanan ito ng shabu na nagkakahalaga ng P1.8 milyon na may timbang na 147.630 grams.

June 12 nasakote ng PDEA ang isang Arnaldo Solomon sa City of San Jose del Monte at nakuhanan ito ng 1,000 gramong shabu na aabot sa halagang P6.8 milyon.

Balik naman tayo sa Bayan ng Balagtas, June 17 ng maaresto ang anim na katao kabilang ang isang menor de edad sa Brgy. Wawa kung saan nakumpiska ng mga pulis ang may 100 gramo ng shabu na may kaukulang halagang P680,000.

At itong June 19 ay  arestado naman sa Brgy. Borol 1st ang isang tricycle driver na si Candido Clemente, 39 anyos, may-asawa dakong 12:20 ng madaling araw.

Nakumpiska kay Clemente sa isang drug buy-bust operation ang 14 na plastic sachet ng shabu na tumitimbang ng 128 gramo na nagkakahalaga ng P870,000.

Iyan po ang mga drug operations mula June 4 hanggang June 19 na halos sa loob ng 15 days ay bilyong halaga ng shabu ang nasabat ng mga otoridad dito sa ating lala­wigan.

Kayo na po ang magsabi mga ka-Taklesa kung talamak nga ba sa Bulacan ang iligal na droga.

Hanggang sa susunod na isyu po ng RONDA Balita, ang Lingguhang Pahayagan ng masang Bulakenyo.

Para sa ibang balita, maglog-on sa www.rondabalita.news.

Babu!  

Kung may tanong, su­hestiyon o komento ’wag mag-atubiling tumawag o mag-text sa numerong 0917-205 -3350. (RONDA BALITA Online)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here