Home National News New Manila International Airport na itatayo sa Bulacan, aprubado na ni Duterte

New Manila International Airport na itatayo sa Bulacan, aprubado na ni Duterte

731
0
SHARE

LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Pagkatapos ng limang taong usapan, presentasyon sa iba’t ibang ahensiya at mga debate, inaprubahan na sa wakas National Economic Development Authority (NEDA) Board, ang pagtatayo ng New Manila International Airport sa bayan ng Bulakan, Bulacan.

Sa inilabas na pahayag ng NEDA, pinangunahan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte, ang pag-aproba ng NEDA Board bilang tagapangulo nito sa ginanap na pulong noong December 21. Pangunahing inaprubahan ang detalye sa resulta ng ginawang negosasyon sa Concession Agreement (CA) para sa New Manila International Airport Project. Ang nasabing CA ay sa pagitan ng Department of Transportation (DOTR) at ng San Miguel Holdings Corporation (SMHC).

Itong planong New Manila International Airport, na magiging isang aerotropolis, ay unang ipinanukala ng SMHC noong 2014 sa panahon ni noo’y Pangulong Benigno S. Aquino III ngunit hindi nakakuha ng pag-apruba. Hanggang muling isinumite ng kompanya ang panukala sa pagpasok ng administrasyong Duterte noong 2016, bilang unsolicited proposal sa ilalim ng public-private partnership (PPP), upang makapagtayo ng bagong aerotropolis sa 2,500 ektaryang lupa sa Bulakan, Bulacan. Kabilang dito ang pagtatayo at pangangasiwa sa operasyon ng magiging New Manila International Airport.

Sa hiwalay na panayam ng Philippine Information Agency (PIA)kay DOTR Secretary Arthur Tugade, sa isa sa kanyang maraming beses na pagbisita sa Bulacan, na target ng ahensiya na inisyal na matapos ang konstruksiyon ng airport terminal at dalawang runways para sa New Manila International Airport sa taong 2022.

Ngayong aprobado na ng NEDA Board, itong proyektong New Manila International Airport, na bahagi ng planong aerotropolis, ay magiging pinakamalaking proyekto ng administrasyong Duterte sa ilalim ng Build-Build-Build Infrastructure Program sa halagang P735.6 billion.

Sa pag-aproba sa CA, ang SMHC ang gagastos sa kabuuang halaga ng proyekto na hindi makakakuha ng anumang garantiya sa pamahalaan sakaling malugi o kapusin sa pera. Itinakda naman ng NEDA ang Swiss Challenge sa kalagitnaan ng Enero 2019 kung saan bubuksan ng pamahalaan sa ibang kompanya kung may uubrang tumapat sa alok ng SMHC na P735.6 bilyon.

Matapos nito, pormal nang ipagkakaloob ng pamahalaan ang konsesyon upang tuluyan nang mapasimulan ang aktuwal na konstruksiyon ng New Manila International Airport.

Source: PIA

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here