Ngayon natin ipakita na disiplinadong tao tayo!

0
768
An opinion column by Rolando S. Gamoso

PATULOY ang paglobo ng bilang ng mga nagpositibo sa coronavirus disease o COVID-19 dito sa ating bansa. Habang sinusulat ko ito, umabot na sa 396 ang naitalang kaso at 33 na ang namatay.

Takot at pangamba ang naghahari ngayon sa bawat Pilipino. Takot dahil wala pang natutuklasang gamot sa sakit na dulot ng naturang virus na kapag kinapitan ka, para kang nakikipagsugal kay kamatayan na ang tsansa mong mabuhay ay 50-50.

Pangamba, dahil oras na kinapitan ng virus ang isang miyembro ng pamilya, posibleng mahahawaan din ang iba pang miyembro ng pamilya.

Ang COVID-19 ay isang uri ng communicable disease na nata-transmit sa ibang tao sa pamamagitan ng:

1.) mga mumunting patak na tumitilansik sa pag-ubo at pagbahin, 2.) paghawak sa mga bagay o gamit na hinawakan ng isang positibo sa virus at pagkatapos ay ihahawak mo ang iyong mga kamay sa iyong bibig, ilong o mga mata nang hindi pa nahuhugasan, at, 3.) malapit na personal na pakikisalamuha tulad ng pag-aalaga sa isang tao na nahawaan.

Kaya naman, isa sa mahigpit na ipinag-uutos at palaging ipinaaalala sa atin ng pamahalaan ngayon na i-maintain natin ang social distancing at huwag lalabas ng bahay kung hindi rin lang kailangan para hindi na mahawa.

Iniutos din ng ating pamahalaan na i-report sa barangay ang lahat ng mga bagong dating sa lugar gaya ng mga galing sa abroad lalo na sa mga bansa na nagpositibo sa virus at pati na rin ang mga nanggaling sa ibang lugar partikular sa Maynila para sumailalim ng 14-day quarantine bilang person under monitoring (PUM).

Pero ang nangyari, may mga ilan mula doon sa mga hindi nareport at maging sa mga nareport ang sa halip na mag-stay sa bahay for 14-day home quarantine ay hayun at nakipag-social gatherings pa sila at nagpunta kung saan-saan.

Paano na lang kung isa sa mga ito ang positibo sa virus? Siyempre, siguradong marami ang mahahawa sa kanya. Iyan ang isa sa mga nakita ng pamahalaan na rason kung bakit mabilis at patuloy sa paglobo ang bilang ng mga nagpopositibo sa virus na ito kaya naman para mapigilan ang pagkalat ng virus ay isinailalim na ang ang buong bansa sa enhanced community quarantine.

Sa enhanced community quarantine, mahigpit na ipinagbabawal ang huge gatherings. Suspendido ang klase, walang mga malalaking aktibidad gaya ng fiesta, may mga curfew na ipinapatupad sa bawat lugar, at marami pang iba na pawang proactive o preventive measures laban sa banta ng corona virus.

Sa panahong ito, ang kailangan natin ay ang makinig at tumalima o sumunod sa mga ipinag-uutos ng gobyerno.

Kitang-kita naman na pinangangalagaan tayo ng pamahalaan kaya naman ngayon nating ipakita na mga disiplinadong tao tayo talaga.

Kung sinabi ng pamahalaan na mag-home quarantine eh ‘di mag-home quarantine. Mahirap bang gawin iyon? Ano ang gusto mo, ang hindi ka makagala ng 14 days o kailan man ay hindi ka na makagagala dahil patay ka na?

Ano’ng sey mo, kafatid? Trulala mga sinabi ko, ‘di ba? Aminin!


PERSONAL: Nais kong batiin ng belated Happy Birthday si Board Member Mildred Elaydo ng 2nd District of Ilocos Sur na nagdiwang ng kanyang kaarawan noong Marso 17, 2020.

Si Bokal Elaydo ay isa sa mga sinasaluduhang kong elected officials dito sa Ilocos Sur dahil sa kanyang katapatan o sinseridad sa serbisyo, pagiging matulungin sa mga nangangailangan, magiliw sa mga tao, at madalig lapitan.

Sa iyo, ma’am, happy2X Birthday. More to come. God bless and Mabuhay! (RONDA BALITA Online)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here