NLEX connector road sa SLEX, target tapusin at buksan sa 2022

0
66
Makikita sa larawan ang nasimulang bahagi ng itinatayong NLEX-SLEX Connector Road Project na magpapahaba pa sa road network ng North Luzon Expressway hanggang sa South Luzon Expressway (SLEX). Target itong matapos at mabuksan sa taong 2022. (Kuha ni Shane Frias Velasco)

CITY OF MALOLOS, Bulacan — Puspusan na ang konstruksiyon sa proyektong NLEX Connector Road patungo sa South Luzon Expressway (SLEX) kasunod ng direktiba ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Mark Villar.

Sa pagpapasinaya ng NLEX-Caloocan Interchange at ng Malabon exit, sinabi ng kalihim na “full-blast na ang construction nitong NLEX-SLEX Connector road dahil gusto naming maideliver ito into completion and to open to traffic by 2022.”

Ang NLEX-SLEX Connector Road project ay magpapahaba sa road network ng North Luzon Expressway (NLEX) ng walong kilometro pa. Magsisimula ito sa bagong bukas na NLEX Harbor Link sa may 5th Avenue sa lungsod ng Caloocan, tatahak sa ibabaw ng Blumentritt at Espanya boulevard hanggang sa tapat ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) sa Sta. Mesa sa lungsod ng Maynila.

Mula doon, ikakabit ang istraktura ng NLEX-SLEX Connector Road project sa Skyway Stage 3 na siyang papuntang SLEX. May halagang P23 bilyon ang inilaan dito ng NLEX Corporation, ang konsesyonaryo ng proyekto na pinagkalooban ng konsesyon noon pang 2009 upang mamuhunan sa pagtatayo at operasyon nito.

Kaya’t sa itinakdang pagtatapos ng konstruksiyon ng NLEX-SLEX Connector Road project sa taong 2022, mapapabilis nito ang biyahe mula sa NLEX patungong SLEX mula sa ngayo’y dalawang oras sa pagiging 30 minuto na lamang.

Binigyang diin pa ni Secretary Villar na magkakaroon ng dalawang pagpipilian ang mga motorista mula sa gitna at hilagang Luzon ng mga bagong daan mula sa NLEX papuntang SLEX.

Bukod sa NLEX-SLEX Connector Road project, isa pang magkakabit sa dalawang expressways ay ang Skyway Stage 3 na bubuksan sa kalagitnaan ng kasalukuyang taong 2020. Ito ay 18 kilometrong elevated expressway mula sa NLEX-Balintawak hanggang sa SLEX- Buendia. Nagkakahalaga ito ng P45 bilyon na pinondohan ng San Miguel Corporation sa ilalim ng Public-Private Partnership (PPP) at ng joint venture kasama ang Philippine National Construction Corporation (PNCC).

Kabilang ang mga proyektong ito sa mga big-ticket infrastructure project sa ilalim ng Build-Build-Build Infrastructure Program ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Samantala, ayon kay Engr. Alex Bote ng DPWH-PPP Service, habang itinatayo ang NLEX-SLEX Connector Road, inililipat na ngayon sa isang pabahay ng National Housing Authority (NHA) sa bayan ng Norzagaray ang mga 34 Informal Settler Families (ISFs) na dadaanan ng proyekto. Sila ay pawang mga taga-Caloocan at Maynila. Habang ang iba pang 644 na mga ISFs ay inilipat na rin sa ibang pabahay sa Caloocan.

Source: PIA Bulacan/Shane Frias Velasco

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here