Home EXTRAFONTS Noong kasikatan ng amateur singing contest

Noong kasikatan ng amateur singing contest

25
0
SHARE
Opinion Column by Manny Camua Dela Cruz

NGAYONG nauso na ang smartphone, hindi mo na kailangang magbukas ng transistor radio upang makinig ng favorite music sa FM radio o magpatugtog sa stereo component ng CD o plaka.

Ang gagawin mo lang ay makinig ng musika sa iyong mobile phone gamit ang headset para mas maganda ang tunog na naririnig kapag pinatutugtog ang mga kanta na nakabangko sa SD card o sa internal memory card ng iyong cellphone.

Kung naka-data naman ang iyong cellphone ay mas mainam dahil puwede kang mag-search ng mga paborito mong awitin at tugtugin sa you tube, itune at iba pang apps na puwedeng makinig ng songs gamit ang Internet.

Kaya mapapalad ang millenials dahil sa inyong henerasyon ay maunlad na ang siyensiya ng teknolohiya at telekomunikasyon. Hindi gaya noon na ang pakikinig sa musika ay may kahirapan.

Ang amateur singing contest ngayon ay pagalingan ng pagkanta habang sinasaliwan ng musika sa videoke. At hindi na rin gaanong uso ang amateur singing contest sa panahong ito.

Magagaling kasi ang mga contestant sa amateur singing contest noon. Sa elimination round ay kakanta ka habang inaakompanyahan ng electric guitar ng gitarista. Sa semi-final at grand final ay banda o combo na ang sasaliw sa iyo kung finalist ka na.

Kailangang maengganyo ng iyong boses at estilo sa pagkanta ang mga hurado para ikaw ay magwagi sa unang gabi ng iyong paglahok sa palihsahan.

Kailangang pumili ng kantang angkop sa iyong boses. Kung ang vocal range mo ay baritone, ang kailangan mong ipanlabang kanta ay ang mga awitin ni Tom Jones, Jack Jones, at Englebert Humperdinck.

Kung babae naman ang contestant ay karaniwan nilang panlaban sa paligsahan ay ang broadway song gaya ng Cabaret. Kung Tagalog song naman ay kailangang kaya mong kantahin ang mga kanta ni Dulce, Celeste Legazpi at iba pa.

Dito sa Bulacan, ilan lang ang magagaling na amateur singer noon. Ang beteranong peryodista ngayon na si Freddie Velez, ay malimit niyang makatunggali sa grand final ng singing contest ang recoding artist noon na si Jonathan Potenciano. Nagpapahirapan sa labanan sa kantahan sa final ang dalawang iyan.

Si batang si Chona Velazquez, na Regine Velazquez-Alcasid, ngayon ay lumalaban din sa amateur singing contest noon pero hindi pa niya panahon noon kaya tinatalo siya ni Freddie Velez sa paligsahan.

Si Mar Dayao, na ngayon ay empleyado sa Kapitolyo ng Bulacan, ay mananalo rin sa amateur singing contest noon. Ang awit na kanyang panlaban ay “Green Green Grass of Home” ni Tom Jones. May isa pang magaling na mang-aawit sa amateur noon, si Jun Polistico.

Si Jonathan Potenciano ay ang awiting “My Way” ni Frank Sinatra ang kanyang alas sa labanan sa grand final, samantalang ang panlaban naman ni Freddie ay ang kantang “Domino”.

Panahon na rin ng disco music ng VST & Company noon, pero hindi naman naipanlalaban sa amateur ang gayong klase ng kanta. Ang mga balladeer kasi ang hinahangaan sa entablado hindi ang mga manganganta ng rock at disco

Bakit ko alam ang istorya ng mahuhusay na amateur singing artist noon? Dahil naging gitarista ako sa mga paligsahan sa pag-awit noon at naakompanyahan ko silang lahat, maging si Chona Velazquez.

Ang hindi ko lang naakompanyahan sa singing contest ay si Jess Nepomuceno, taga-Poblacion, Plaridel, dahil gitarista siya at siya mismo ang nag-aakompanya sa kanyang sarili at pawang Spanish song ang ipinanglalaban niyang kanta tulad ng “Malagueña”. (RONDA Balita Online News)

SHARE
Previous articleCiudad de Victoria interchange in Bulacan all set for construction
Next articleMotorcycle thief killed, 14 others arrested on the 3rd day of Bulacan police SACLEO
SI Manny Camua Dela Cruz ay hindi nag-aral ng kursong dyornalismo, subalit naging bihasa sa pagsusulat ng balita, lathalain at sanaysay. Ang kanyang talento ay pinanday ng mahabang karanasan sa larangan ng pamamahayag: Photo journalist sa simula; kalaunan ay naging provincial correspondent ng iba't ibang mga pahayagang nasyonal, naging reporter ng national dailies sa Kamaynilaan at naging editor ng national tabloid, naging editor ng national weekly news magazine. Sa kasalukuyan ay editor/editorial consultant ng ilang provincial-based newspaper sa Bulacan, kolumnista at contributing editor/writer nitong Ronda Balita Online/Weekly Newspaper.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here