Home Bulacan Local News NYC chief pinuri ang mga kabataang Bulakenyong nakiisa sa ‘Hakbang para sa...

NYC chief pinuri ang mga kabataang Bulakenyong nakiisa sa ‘Hakbang para sa Kabataan’

25
0
SHARE
Ipinakita nina Gob. Daniel R. Fernando, Undersecretary Ryan R. Enriquez, Chairman at CEO ng National Youth Commission, at Bise Gob. Wilhelmino M. Sy-Alvarado ang hand sign na sumisimbolo sa mga kabataan sa isinagawang Hakbang Para sa Kabataan 2019, isang fund raising na aktibidad ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamamagitan ng Provincial Youth, Sports and Public Employment Service Office (PYSPESO), Pag-asa Youth Association-Bulacan, at Bulacan Sports Council Foundation, Inc. sa Bulacan Capitol Gymnasium, Miyerkules ng umaga, September 19, 2019. Nasa larawan din sina (mula kaliwa) Israel Jayson Vinta, nanunuparang pinuno ng PYSPESO, Bokal Romina Fermin, Iluminada Estinos, pangulo ng Bulacan Sports Council Foundation, Inc. at Roel Abraham, pangulo ng Pag-asa Youth Association-Bulacan. (Kuha ni Jason B. Estrada)

LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Namangha si Undersecretary Ryan R. Enriquez, tagapangulo at CEO ng National Youth Commission, matapos makasama ang mahigit 5,000 na mga kabataang Bulakenyo na nagpakita ng suporta sa programa ng gobyerno sa isinagawang Hakbang Para sa Kabataan 2019 sa Bulacan Capitol Gymnasium sa lungsod na ito, Miyerkules ng umaga (Sept. 11) bilang bahagi ng pagdiriwang ng Singkaban Festival 2019.

Mula sa dalawang magkaibang lugar, sa Malolos Sports and Convention Center at Simbahan ng Barasoain, walang bakas ng kapaguran na dumating ang mga kabataan sa gymnasium upang makisaya sa programa.

“Sa dami ng lalawigang nalibot ko, ngayon lang ako nakakita na sobra-sobra ang umattend sa isang government program, nakikita dito kung gaano kaaktibo ang mga kabataang Bulakenyo,” ani Enriquez.

Ibinahagi din niya ang ilan sa mga programang naipatupad dahil sa inisyatiba ng Bulacan.

“Ang Bulacan ang nagsilbing inspirasyon sa National Youth Commission sa pagtataguyod ng panukalang pagbubuo ng pagbubuo ng Local Youth Development Council sa bawat bayan at lungsod, at pagbabalangkas ng Local Youth Development Plan na nagbunga ng pagbuo ng LYDC sa mga probisyon ng SK Reform Act of 2015,” dagdag pa ni Enriquez.

Ibinahagi din niya ang mga benepisyong kasalukuyang ipinatutupad para sa mga kabataan na maaari ring makuha ng mga kabataang Bulakenyo tulad ng Government Internship Program na may 70% na allowance na ‘di hihigit sa minimum na sahod, student loans at libreng pagkuha ng mga dokumento gaya ng NBI clearance, birth certificate at iba pa sa unang beses na mag-aaplay ng trabaho.

Para sa kanyang bahagi, binigyang diin ni Gob. Daniel R. Fernando na ang bawat isa ay may papel na gagampanan sa pag-unlad ng bayan.

“Maging mapanagutan tayo sa lahat ng bagay. Magsumikap tayong pagandahin ang ating mga kinabukasan, dahil kayo ang magiging gabay ng mga susunod na kabataan, may magagawa kayo, lagi ninyong tatandaan,” ani Fernando.

Samantala, kasama naman sa mga nanalo sa raffle mula sa mga ipinagbiling tiket para sa mga atleta at mga out-of-school youth ang Section 10-Humility mula sa Obando National High School na nagwagi ng P50,000 para sa unang gantimpala; Section 7-Cosmos ng Rosario High School sa Angat na nag-uwi ng P30,000 para sa ikalawang gantimpala; Section 9-Magiliw ng Santa Maria National High School na tumanggap ng P20,000 para sa ikatlong gantimpala at Section 2-Harrison mula sa San Ildefonso National High School na nanalo ng P10,000 para sa ikaapat na gantimpala. Gayundin, nag-uwi ng consolation prize na tig- P5,000 ang apat na kabataan.

Ilan sa mga paaralang nakibahagi sa programa ang Bulacan State University, Centro Escolar University, La Consolacion University – Philippines, Marcelo H. del Pilar National High School, City of Malolos Integrated Schools of Canalate, Catmon, Atlag at Santo Rosario, TESDA Bulacan, Bulihan National High School, ABE International Business College, AMA Computer Learning Center at iba pa.(RONDA Balita Online News)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here