Home National News P10M mula DOST, ipinagkaloob sa Research & Development ng BulSU

P10M mula DOST, ipinagkaloob sa Research & Development ng BulSU

48
0
SHARE
Iniaabot ni Dr. Cecilia N. Gascon, pangulo ng Bulacan State University (BulSU) kay Department of Science and Technology (DOST) Secretary Fortunato Dela Pena ang plake ng pagkilala sa kanyang pagiging panauhing pandangal sa Taunang Pagtatapos sa mga nasa kursong Inheneriya sa nasabing pamantasan. Dito rin niya inanunsiyo ang pagkakaloob ng P10 milyon para sa research and development ng BulSU. (Larawan ng PIA-Bulacan)

LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Nagkaloob ng halagang P10 milyon ang Department of Science and Technology (DOST) para patinuin at pag-ibayuhin ang research and development ng Bulacan State University (BulSU).

Sa naging panayam kay DOST Secretary Fortunato Dela Pena, nang maging panauhing pandangal siya sa Taunang Pagtatapos ng Kolehiyo ng Inheneriya sa nasabing pamantasan, ang P10 milyon ay bahagi ng pamumuhunan ng ahensiya para itaguyod ang Science, Technology and Innovation agenda ng administrasyong Duterte.

Ito’y sang-ayon sa kanyang 10-puntong Socio Economic Agenda na nakapaloob sa 2017-2022 Philippine Development Plan (PDP). Prayoridad aniyang gastusan ng nasabing pondo ang research and development ng BulSU sa laranga ng inheneriya, agham at matematika.

Binigyang diin ng kalihim na “hindi basta research lang ang kailangan natin kundi high quality research. Dapat may positive output na magagamit upang makatulong sa pag-angat ng Global Innovation Index ng bansa.”

Hinalimbawa niya ang Hybrid Electric Train na resulta ng isang matagumpay na research and development ng Metals Industry Research and Development Center (MIRDC) ng DOST. Unang ipinakilala sa publiko noong Hunyo 2016 at ngayo’y ginagamit na ng Philippine National Railways (PNR) sa biyaheng Alabang hanggang Calamba.

Binuo ito sa halagang P120 milyon na higit na mas mura sa mga inaangkat na mga bagol ng tren sa ibang bansa. Tinawag na Hybrid Electric Train dahil hindi lamang ito naka-asa sa diesel kundi pinapatakbo rin ito ng mga baterya kaya nakakatipid sa krudo.

Ayon pa kay Secretary Dela Pena, ipinapakita lamang ng proyektong Hybrid Electric Train na mula sa isang matagumpay na research and development, makakalikha ang Pilipino ng isang bagay na uubrang maging solusyon partikular na sa trapik.

Bukod sa P10 milyon, nag-alok din si Secretary Dela Pena sa mga nagsipagtapos ng kursong inheneriya na kapag nakakuha at nakapasa sa pagsusulit para sa lisensiya sa pagka-inhinyero, na kumuha na rin ng masteral sa nasabing propesyon at magbibigay ng scholarshiop ang DOST para rito.

Samantala, ikinagalak naman ni Dr. Cecilia N. Gascon, pangulo ng BulSU, ang inisyatibong ito ng DOST. Malaking bagay aniya ang P10 milyong ipinagkaloob ng ahensiya upang tunay nang sumulong ang research and development ng pamantasan. Naaayon din ito sa bisyon ng BulSU tungo sa isang progresibong institusyon na dapat manguna sa pananaliksik upang tumugon sa pangangailangan ng mamamayan at ng bayan.

Source: Shane Frias Velasco/PIA

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here