Home Business P149.3 milyong pondo inilaan para tugunan ang kakapusan ng tubig sa Malolos

P149.3 milyong pondo inilaan para tugunan ang kakapusan ng tubig sa Malolos

SHARE

PINAGTIBAY na ng Local Water Utilities Administration ang 149.3 milyong pisong pondo na inilaan ng City of Malolos Water District (CMWD) upang bigyan na ng solusyon ang matagal ng problema ng kakapusan sa suplay ng tubig sa lungsod ng Malolos.

Ang naturang halaga ay nakatakdang gastusin sa susunod na limang taon o hanggang 2022 sa ilalim ng Five-Year Business Plan.

Pangunahing popondohan nito ang paglalatag ng bago, mas malalaking tubo at iba pang imprastrakturang magbobomba ng tubig mula sa ilalim ng lupa.

Layunin nitong maiparating na malakas na suplay ng tubig sa mga barangay sa Malolos na nakararanas ng halos gapatak na tulo.

Ang pamumuhunang ito ay ikinasa habang hindi pa umaabot sa lungsod ang Bulacan Bulk Water Supply Project na magpapadaloy ng suplay ng tubig mula sa Angat Dam.

Ayon kay CMWD General Manager Nicasio Reyes, may nauna nang 20 milyong pisong ginugol ang CMWD noong 2016.

Dalawang well-drilling projects ang natapos sa mga barangay ng Bulihan at Dakila.

Malapit na ring matapos ang ginagawang production well sa barangay Atlag at well drilling sa barangay San Pablo.

Sa pamamagitan nito, makakahigop ng panibagong suplay ng tubig ang CMWD bukod sa dati nang pinagkukuhanan na ngayo’y nasasaid.

Halimbawa makikinabang sa ginawang production sa Brgy. Atlag ang mga barangay ng Bagna at Panasahan.

Ito ang mga barangay na pinakanakakaranas ng kakapusan sa tubig sa Malolos.

Bago masimulan ang naturang proyekto, nasira ang Pumping Station sa Bagna dahil sa sunud-sunod na lindol mula noong Abril 2017.

Sisimulan na rin ang pagtatayo ng bagong deepwell sa Bagna na tatapusin sa susunod na tatlong buwan mula nitong Hulyo.

Kapag natapos, kaya na nitong makapaglabas pa ng tubig mg 30 litro kada segundo.

Ngayong natapos naman ang well-drilling sa San Pablo na sinabayan ng paglalatag ng mga bagong tubo, mapapalakas na ang suplay ng tubig sa mga barangay ng Sta. Isabel at Santor.

Para matiyak na 11,860 kubiko ang lakas ng tubig na maisusuplay sa mga bahay, kinabitan ng motor ang pumping station dito ng 20 horse power sa halip na 5 horse power lamang.

Bukod sa pagbutas sa mga bagong pagkukuhanan ng tubig, nilakihan at hinabaan ang mga tubo ng tubig sa mga barangay ng Pinagbakahan, Dakila, San Juan, Calero, San Pablo at Sta. Isabel.

Iba pa rito ang bagong linya ng tubo na ilatag sa kahabaan ng Ople Road sa barangay Anilao na pakikinabangan din ng mga taga Bulihan, Caingin at San Agustin.

Ganito rin ang ginawa sa mga barangay ng Panasahan, Matimbo, Bagna, Catmon at San Gabriel.

Nakalatag na rin ang mga imprastrakturang pantubig ng CMWD ngayong 2017 na nagkakahalaga ng 41.3 milyong piso.

Prayoridad na gastusan ang paglalagay ng mga bago, mas malalaki at mas mahahabang tubo sa mga barangay ng Tikay, Balite, Sto. Cristo, Mabolo at sa kahabaan ng Capitol View Park Road.

Maglalagay ng tatlong bagong well-drilling sa mga barangay ng Longos, Matimbo, Mabolo at Sto. Rosario; habang kakabitan ng mga 50 KVA Generator Set ang mga nauna nang naitayong mga pumping station upang umandar kahit mawalan ng kuryente.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here