P2.9B ayuda sa mga Bulakenyo, ipinadala na ng DBM sa mga LGUs

0
715
Ipinapaliwanag ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Wendel E. Avisado ang sistema at patakaran sa dapat na pagkakaloob ng ayuda sa mga pamilyang naapektuhan ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa pamamagitan ng mga pamahalaang lokal sa Bulacan, Metro Manila, Cavite, Laguna at Rizal. (Shane F. Velasco)

LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Ipinadala na ng Department of Budget and Management (DBM) ang may P2.9 bilyong halaga ng financial assistance sa 21 munisipyo at tatlong city halls sa Bulacan. Ito ay upang maibigay para sa may tatlong milyong Bulakenyo na naapektuhan ng umiiral na Enhanced Community Quarantine (ECQ).

Base sa Local Budget Circular no. 136 na ipinalabas ni DBM Secretary Wendel E. Avisado, pinakamalaki ang alokasyon sa lungsod ng San Jose Del Monte na makakatanggap ng P596.8 milyon na tahanan ng halos isang milyong katao.

Sinundan ito ng iba pang mga bayan at lungsod na may malalaking populasyon gaya ng Santa Maria na makakatanggap ng P236.9 milyon; 212.7 milyon para sa Malolos; P198.1 milyon para sa Marilao; P173.2 milyon para sa lungsod ng Meycauayan; P133.6 milyon para sa San Miguel, P123.5 milyon para sa Baliwag; P108.3 milyon para sa Bocaue at P106.2 milyon para sa Hagonoy.

May alokasyon naman na P97.7 milyon para sa Pandi; P93.3 milyon para sa San Ildefonso; P93.1 milyon para sa Norzagaray; P91.9 para sa Calumpit; P90 milyon para sa Pulilan; P89.5 milyon para sa Plaridel; P85.7 milyon para sa Guiguinto; P83.2 milyon para sa San Rafael; P67.3 milyon para sa Balagtas; P65.6 milyon para sa Bulakan; P56.8 para sa Bustos; P50 milyon para sa Angat; P48 milyon para sa Obando; P44 milyon para sa Paombong at P20 milyon para sa Donya Remedios Trinidad (DRT).

Nagmula ang mga pondong ito sa Bayanihan to Recover as One Act na Republic Act 11494 na pinalawig hanggang sa Hunyo 30, 2021 sa bisa ng Republic Act 11519. Tinukoy ni Secretary Avisado sa circular na ito na tanging sa pagbibigay ng ayuda lamang dapat magugol ang nasabing pondo. Ipinapaubaya na ng DBM sa mga pamahalaang lokal ang pagdedesisyon kung in-cash o in-kind ang magiging paraan ng pagbibigay.

Basta’t kinakailangan na ang bawat indibidwal ay makatanggap ng halagang P1 libo. Para naman sa may apat o higit pang miyembro ang pamilya, makakatanggap sila ng P4 na libo. Kapag may natira o hindi nagamit na bahagi ng pondo, dapat itong isauli ng isang partikular na pamahalaang lokal sa Bureau of Treasury (BTr) bago ang Disyembre 31, 2021.

Source: PIA Bulacan/Shane F. Velasco

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here