Home EXTRAFONTS P2P premium bus, ruruta na sa Malolos

P2P premium bus, ruruta na sa Malolos

640
0
SHARE
Opinion Column by Manny Camua Dela Cruz

MATINDING problema ng mga mananakay sa Malolos ang kakulangan ng mga pampasaherong sasakyan na bumibiyahe paluwas ng Metro Manila, tuwing rush hour.

Laging punuan ang mga pampasaherong bus na paluwas ng Metropolis, maging ang mga namamasadang SUV ay kinakapos kaya nagtitiis na lang ang mga pasahero na tumayo sa loob ng bus na nagsisiksikan ang mga pasahero kaya pagdating nila ng North Avenue o saanman ang kanilang destinasyon sa Kamaynilaan ay nangangamoy pawis na ang kanilang mga katawan pagbaba ng sinakyang passenger bus.

Pero may magandang balita para sa mga mananakay sa Malolos dahil ilulunsad na raw sa Malolos ang Point-to-Point Premium Bus sa rutang Malolos hanggang EDSA-North Avenue. (balikang biyahe) Aba, malaking kaginhawahan ito sa mga pasahero dahil hindi na sila makikipagsiksikan at maginhawa ang kanilang pagbiyahe dahil walang tayuan sa P2P premium bus. Sitting capacity lang at hindi rin umano ito magbababa at magsasakay sa mga kantong dadaaanan ng behikulong ito sa McAurthur Highway, bago pumasok ng North Luzon Expressway sa Brgy. Tabang, sa bayan ng Guiguinto patungo sa destinasyon ng P2P bus sa North Avenue, Quezon City sa EDSA.

May biyahe rin umano ang P2P na manggagaling ng Bocaue at Sta Maria, dito rin sa Bulacan. Tulad ng P2P na manggagaling ng Malolos sa North Avenue rin ang dulong destinasyon ng naturang premium passenger vehicle.

Ayon sa news report ng PIA, ang halaga ng pasahe sa P2P mula Malolos City hanggang North Avenue ay P240.00, samantalang ang pasahe naman mula Sta Maria/Bocaue at P170.00. Bukod sa naturang mga ruta bibiyahe rin umano ang P2P mula Malolos hanggang Clark Pampanga na ang pasahe naman ay P210.00

Madali nang makapupunta ng Clark International Airport ang mga kababayan natin na mangingibang bansa dahil tiyak na sa NLEX dadaan ang P2P premium bus patungo ng Clark.

May kamahalan ang pasahe sa P2P bus kumpara sa karaniwang pampasaherong bus na P60.00 mula Malolos hanggang Cubao, pero kung kaginhawahan sa pagbiyahe ang pag-uusapan, mas pipiliin ng mga mananakay na nagtatrabaho sa opisina tulad ng mga call center agent na sumakay ng P2P premium bus.

Ang maganda pa sa bus na ito ay kombinyente ang mga upuan, marahil ay may libre ring wifi at iba pang amenities na pang libangan na hanap ng mga pihikang pasahero ang premium bus na ito.

Itong mga P2P premium bus ay doon pala hihimpil sa ginagawang Malolos Central Terminal, na ipinatayo ng Pamahalaang Lungsod ng Malolos. Bukod sa itinatayong terminal, malapit na ring matapos ang itinatayong limang palapag na bagong city hall ng Malolos, na target ni Mayor Christian D. Natividad na matapos ngayong 2018 ang konstruksyon ng naturang gusali.

Dahil sa mga bagong kaganapang ito sa Malolos, marapat lamang na tawaging “Renaissance City” ang siyudad na ito dahil hitik sa kasaysayan ang Malolos buhat pa sa panahon ng mga bayani dahil ito ang naging lundo ng kasaysayan ng Unang Republika sa Asya na itinatag at niratipika sa Simbahan ng Barasoain.

Ang Malolos din ang naging sentro ng kapangyarihan ng pangulo ng Unang Republika ng Pilipinas, si Hen. Emilio Aguinaldo. Kaya nagkaroon ng kalyeng Paseo del Congreso ang Malolos, dahil sa kalsadang ito dumadaan noon ang karwahe ni Hen. Aguinaldo at ng kanyang entourage.

Sisimulan na rin ang konstruksiyon ng unang bahagi ng Philippine National Railways project mula Tutuban sa Maynila hanggang sa Lungsod ng Malolos, kaya hindi na mapipigilan ang pagyabong ng ekonomiya ng Malolos, maging ang lalawigan ng Bulacan dahil sa mass transport system na ito na matagal nang inaabangan ng mga Maloleño, maging ng mga mamamayan ng Lungsod ng Meycauayan, Marilao, Bocaue, Balagtas at Guiguinto, kung saan magtatayo rin ng mga istasyon ang PNR sa naturang mga lugar. (RONDA Balita Online News)

SHARE
Previous articleMalolos Charity Riders Club namahagi ng tulong sa mga kapus-palad 
Next article‘BOSS’ ng Taguig handa na ang operasyon
SI Manny Camua Dela Cruz ay hindi nag-aral ng kursong dyornalismo, subalit naging bihasa sa pagsusulat ng balita, lathalain at sanaysay. Ang kanyang talento ay pinanday ng mahabang karanasan sa larangan ng pamamahayag: Photo journalist sa simula; kalaunan ay naging provincial correspondent ng iba't ibang mga pahayagang nasyonal, naging reporter ng national dailies sa Kamaynilaan at naging editor ng national tabloid, naging editor ng national weekly news magazine. Sa kasalukuyan ay editor/editorial consultant ng ilang provincial-based newspaper sa Bulacan, kolumnista at contributing editor/writer nitong Ronda Balita Online/Weekly Newspaper.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here