P5.14 bilyong halaga ng shabu nasamsam sa isang warehouse sa Marilao

0
717

MARILAO, Bulacan — Nasamsam ng mga miyembro ng Philippine National Police-Drug Enforcement Group (PNP-DEG), Bulacan Police Provincial Office at Marilao police ang mahigit kumulang 756 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P5.14 bilyon sa operasyon na isinagawa sa isang bodega sa Reley St Marilao, Bulacan nitong Huwebes ng hapon.

Ayon kay PNP Chief Director Gen. Archie Francisco Gamboa, isa ito sa mga pinakamalaking drug hauls sa kampanya ng gobyerno laban sa iligal na droga.

Batay sa inisyal na ulat, pasado-alas-3 ng hapon ng isagawa ang naturang operasyon na nagresulta sa pagkaka-aresto sa mga suspek na kinilalang sina sina Yuwen Cai, isang Chinese national at dalawang kasama nitong Pinay na sina Angela Tulio at Ma. Si Lyn Tulio.

Sa isinagawang pakikipanayam ng mga mamamahayag kay Gamboa, sinabi nito na maaaring mapagkakatiwalaang tao ng sindikato ng droga ang Chinese habang ang dalawang Pinay ay maaaring katulong nito sa pagmementine ng nasabing warehouse.

Sinabi pa ni Gamboa na ang operasyon ay resulta ng mga surveillance operation na sinasagawa ng PNP Drug Enforcement Group sa pamumuno ni PNP-DEG Director Brig. Gen Romeo Caramat Jr.

“There was a necessity to conduct surveillance hoping that we may find something here, and it turned out positive,” dagdag pa ni Gamboa.

Tinutukoy nito ang positibong resulta ng surveillance operation sa nasabing bodega sa # 2 Reley St., sa Barangay Lias, Marilao City. Ang operasyon ay isinagawa mga bandang 3 p.m.

Nasamsam sa naturang warehouse ang may 63 kahon na naglalaman ng humigit-kumulang 756 kilo ng shabu.

“Sa pamamagitan ng packaging, naniniwala kami na ang mga ito ay pag-import at kahit na ang PDEA (Philippine Drug Enforcement Agency) ay naniniwala na wala nang mga malalaking laboratories sa bansa,” sabi ni Gamboa.

“Ang mayroon tayo sa kasalukuyan ay mga uri ng kitchen-type (laboratories) na maaaring makabuo ng humigit-kumulang lima hanggang pitong kilo ng shabu bawat linggo,” sabi ni Gamboa.

Kung iisipin, dagdag pa ni Gamboa, sa dami nitong shabu na aabot sa mahigit 700 kilo, ilang linggo ang gingugol nila dito para makagawa ng ganito karami.

“Ang packaging na naglalaman ng mga Japanese character ay maaaring maging isang paglihis mula sa aktwal na pinagmulan ng iligal na droga,” ani Gamboa.

Dahil sa napakalaking dami ng iligal na droga, sinabi ni Gamboa na ang shabu ay maaari ding sinadya upang maipamahagi sa Visayas at Mindanao.

Batay sa pagtatantiya, ang drug haul ay mayroong katumbas na halaga sa kalye na aabot sa P5.14 bilyon.

Ayon naman kay Brig. Gen. Caramat, ang mga naarestong suspek ay nasa ilalim ng kustodiya ng DEG at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (RONDA BALITA Online)

May dagdag na ulat si Troy Gallardo

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here