Home Bulacan Local News P500M pagawain ng Kapitolyo ng Bulacan, suporta sa ‘Build-Build-Build’ ni Duterte 

P500M pagawain ng Kapitolyo ng Bulacan, suporta sa ‘Build-Build-Build’ ni Duterte 

SHARE
Kapitolyo ng Bulacan

LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Amoy na amoy ang semento, buhangin, pintura at barnis sa kabi-kabilang pagawain ngayon ng pamahalaang panlalawigan.

Mula sa rehabilitasyon at renobasyon ng buong gusali ng kapitolyo, pagtataas ng lahat ng kalsadang nakapalibot dito, pagpapalaki ng mga pampublikong gusali hanggang sa pagsasa-ayos ng pambayang hardin.

Aabot sa halos 500 milyong piso ang ginugugol ng pamahalaang panlalawigan na ayon kay Gobernador Wilhelmino Sy-Alvarado ay pagsuporta sa ‘Build-Build-Build’ Infrastructure Initiative ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Pinakamalaking ginagastusan dito ang 120.2 milyong pisong malawakang pagsasa-ayos sa buong istraktura ng gusali ng kapitolyo.

Sarado ang mga tanggapan na matatagpuan upang bigyang diin ang sabayang rehabilitasyon at renobasyon.

Pansamantalang nag-oopisina ang mga tanggapang naririto sa mga gusaling nakapalibot sa kapitolyo upang maging tuluy-tuloy pa rin ang mga programa, proyekto at serbisyo.

Ayon sa Provincial Engineering Office, bagama’t tatlong palapag lamang ang istraktura ng kapitolyo, may mga maliliit na palapag pa sa bawat baitang.

Halimbawa, sa Tanggapan ng Panlalawigang Tagatuos, nasa unang palapag ito kung saan nagagamit ang mababang kesame bilang sariling ikalawang palapag.

Mula nang simulan ang pagsasa-ayos ng nasabing gusali, natuklasan na pawang gawa lamang sa mga kahoy.

Pinalitan ito ng mga bakal gayundin ang mga kesame.

Partikular sa disenyo ang pagtatago ng mga nakalitaw na linya o kable ng kuryente, telepono, internet at tubig.

Iba pa riyan ang pagpapalit ng lahat ng tubo, kable at iba pang katulad nito.

Nilagyan naman ng konkretong harang, na dinesenyo malapit sa itsura ng kapitolyo, upang maitago ang mga ikakabit na airconditioning system.

Ito’y upang hindi na tumulo ang tubig ng air-conditioning system na magdudulot ng lumot sa istraktura ng gusali.

Sa labas at paligid ng kapitolyo, natapos na ang pagtataas ng lahat ng kalsadang papunta at palabas ng capitol compound.

Umabot sa 100 milyong piso ang dalawang kontratang magkatulong sa proyekto.

Ayon kay Alvarado, naiwan ang dating lebel ng mga kalsada sa kapitolyo mula nang magtaas ng kalsada ang Bulacan State University noong 2015 at ang MacArthur Highway sa bahagi ng Malolos noong 2016.

Napinturahan na ng mga thermo-plastic na linya ang mga kalsadang papunta at palabas ng kapitolyo mula sa MacArthur Highway, naitaas na rin ang karugtong nito papunta sa lumang kampus ng Marcelo H. Del Pilar High School at ang harapan ng gusaling Ople.

Basa pa ang semento sa tinaasang kalsada sa tapat at paligid ng Blas Ople building kung saan matatagpuan ang Hiyas ng Bulacan Museum, Bulacan Provincial Library at ang Nicanor Abelardo Auditorium. Katabi ito ng bagong tinaasang trade fair grounds.

Nadadaanan nang muli ang daan sa tapat ng dating campus ng Marcelo del Pilar High School o ang nasa gilid ng Super 8. Kasama rito ang kalsada mula sa kanto ng Henrel’s na babaybay sa tapat ng Hiyas ng Bulacan Convention Center at Bulacan Rescue at kakanan patungo sa Bulacan Medical Center hanggang sa kanto ng Barasoain Elementary School.

Nadamay na rin sa mga pinataasan ang mula sa Panlalawigang Gusaling Kainan, mga gusaling komersyal ng kapitolyo, palibot ng Regional Trial Court hanggang sa paligid at pagitan ng Bulacan Capitol Gymnasium at Hardin ng mga Bayani at Sining.

Minamadali naman ang ginagawang pagpapaganda at pag-aangat sa parke sa harap ng kapitolyo, kung saan matatagpuan ang mga rebulto nina Heneral Gregorio Del Pilar at Marcelo H. Del Pilar.

Aabot ng 10 milyong piso ang ginugugol para sa pagpapalit ng sahig dito na hindi nakakadulas, mas maliliwanag na pailaw at kasama na ang mga bagong halaman at bulaklak.

Isinabay na rito ang pagtitindig ng bagong tagdan ng mga watawat.

Kaugnay nito, ngayong patuloy sa paggugol sa nasabing mga pagawain, iba pa rito ang paghahatid ng mga serbisyong panlipunan, namumuhunan ang Kapitolyo sa mga imprastrakturang kikita.

Sa direktiba ni Alvarado, nagtatayo ng mas malaking paupahang gusali sa lugar na dating kinatayuan ng Hiyas Galleria.

Giniba ito at tinatayuan ng dalawang palapag na gusali na tatawagin ngayon bilang Provincial Government of Bulacan Commercial Building 1.

Noong nakatayo pa ang Hiyas Galleria, dito nakapwesto ang sangay ng Development Bank of the Philippines, Goldilocks, Max’s Restaurant, Fortune Hongkong Seafood Restaurant, isang Hardware, Real Bank, Philtrust Bank na dati ring naging pwesto noon ng Social Security System at Philippine Long Distance Telepone noong dekada 90.

Nagkakahalaga ng 103.8 milyong piso ang bagong commercial building na kapag natapos, papaupahan ng kapitolyo.

Bilang kakambal nito, sinisimulan na ang pagtatayo ng PGB Commercial Building 2 sa dating kinalalagyan ng Koop Mart, na katabi ng Caltex ng BulSU, sa halagang 31 milyong piso.

Isa pang pinagkakakitaan nang malaki ng kapitolyo ang Hiyas ng Bulacan Convention Center na mas pinahaba pa ang gusali sa halagang 15 milyong piso upang malulan ang kahit dalawang libong katao.

Nauna nang nalakihan naman ang Bulacan Capitol Gymnasium sa halagang 33 milyong piso.

Ang mga nasabing pasilidad ay pinagagamit ng kapitolyo sa anumang okasyon kung saan nagbabayad ang mga ito ng renta.

Samantala, ipinagpatayo ng kapitolyo ng bagong garage ang mga emergency vehicles ng Bulacan Rescue gaya ng ambulansiya at mga trak ng Bumbero sa halagang 4 milyon piso.

Itinabi ito sa ngayo’y modernong gusali ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here