P90M Calamity Fund ng Kapitolyo, magagamit ngayong State of Calamity

0
163
Pinagtibay ng Sangguniang Panlalawigan ng Bulacan, sa virtual special session nito, ang resolusyon na nagpapailalim sa lalawigan sa State of Calamity sa pamamagitan ng sponsorship ni Bise Gobernador Wilhelmino M. Sy-Alvarado. Dahil dito, uubra nang magamit ng Kapitolyo ang natitirang P90 milyon pang Calamity Fund bilang pandagdag sa mga tulong na ibinibigay sa mga nasalanta ng bagyong Ulysses. (Kuha ni Shane F. Velasco)

LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Magagamit na ng Kapitolyo ang natitirang P90 milyong Calamity Fund bilang pandagdag sa pagtulong sa mga Bulakenyong nasalanta ng bagyong ‘Ulysses’.

Ito’y matapos pagtibayin ng Sangguniang Panlalawigan ng Bulacan ang resolusyon na nagpapailalim sa Bulacan sa State of Calamity sa kahilingan ni Gobernador Daniel R. Fernando, sa kanyang kapasidad bilang tagapangulo ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Council (PDRRMC).

Base sa inilabas na Resolusyon Blg.05-2020 ng PDRRMC, nararapat maipailalim sa State of Calamity ang Bulacan dahil sa laki ng pinsala nito sa pagsasaka, kabuhayan, pamamahay at imprastraktura.

Sa ikasampung situational report ni Provincial Disaster Risk Reduction Management Officer Felicisima Mungcal, 2,016 pamilya na o katumbas ng 7,360 na mga indibidwal ang inilikas dahil sa malalim na pagbaha. Pansamantala silang tumutuloy sa may 41 mga evacuation centers sa buong lalawigan.

Ang ilan sa kanila ay nagmamay-ari sa may 3,622 na naapektuhang bahay, kung saan 3,014 ang bahagyang napinsala habang 602 ang talagang nagiba. Tatlo naman ang naiulat na namatay dahil sa pagkakatuklaw ng Ahas ng dalawang taga- San Ildefonso at pagkakakuryente ng isang taga-Meycauayan.

Pinakamalaki ang pinsala na tinamo ng sektor ng pagsasaka na ayon kay Provincial Agriculturist Gloria Carillo, ay nasa P474 milyon na ang inisyal na tala. Nakapaloob dito ang P295.4 milyong halaga ng mga nasirang pananim na Palay, P103 milyong gulayan na nalunod sa baha, P750 libong halaga ng mga nabulok na rootcrops at P239 libong halaga ng Maisan ang nagkamatay. Habang P74.5 na halaga ng mga Isda at aquatic resources ang tumapon mula sa mga Palaisdaan.

Umabot naman sa P198.9 milyon ang halaga ng pinsala sa mga imprastraktura sa Bulacan ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH). Kabilang diyan ang mga nasirang tulay sa Banaban, Baybay at Sapang Patay sa bayan ng Angat. Nawasak din ang road bridge  at hanging bridge sa barangay Bayabas sa Donya Remedios Trinidad  Gayundin ang pagka-wash out ng isang bahagi ng Angat-Donya Remedios Trinidad Road. Nasira rin ang iba’t ibang mga paaralan gaya sa Malolos na apat, dalawa sa Donya Remedios Trinidad at dalawa sa lungsod ng San Jose Del Monte.

Samantala, sa pag-sponsor ni Bise Gobernador Wilhelmino M. Sy-Alvarado sa nasabing resolusyon, prayoridad na gugulan ng Calamity Fund ang karagdagang mga food packs sa mga nasalanta lalo na ang mga nasa evacuation centers pa hanggang ngayon.

Source: PIA Bulacan/Shane Frias Velasco

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here