Home National News P92 bilyong halaga ng bagong pamumuhunan pumasok sa Bulacan noong 2018

P92 bilyong halaga ng bagong pamumuhunan pumasok sa Bulacan noong 2018

128
0
SHARE
Makikita sa larawan ang katatapos lamang ilatag na Solar Panel Farm sa bayan ng San Ildefonso ng Cleantech Global Renewables Inc. Kabilang ito sa limang bagong pamumuhunan sa Bulacan ng iba't ibang renewable energy na kumpanya na aabot sa kabuuang halagang P17.2 bilyon.

LUNGSOD NG SAN JOSE DEL MONTE, Bulacan — Nakapagtala ng P92 bilyong halaga ng panibagong pamumuhunan ang pumasok sa lalawigan noong 2018 ayon sa Board of Investments (BOI), na inilabas ng Department of Trade and Industry (DTI)-Bulacan.

Makikita sa larawan ang planta ng Sementong Republic sa bayan ng Norzagaray. Dahil sa lakas ng pangangailangan sa semento bunsod nang masiglang industriya ng real estate at sabay-sabay na pagtatayo ng mga imprastraktura sa ilalim ng programang Build-Build-Build, mas nilakihan ang nasabing planta sa pamamagitan ng panibagong P5.5 bilyon na pamumuhunan ng Republic Cement & Building Materials.

Ayon kay Lota M. Yasa, senior trade and industry specialist ng DTI-Bulacan, pinakamalaki rito ang mula sa sektor ng Renewable Energy na umabot sa P17. 2 bilyon. Nakapaloob dito ang dalawang tig-P6.9 bilyong Solar Power Project sa barangay Maronquillo sa bayan ng San Rafael at sa barangay Akle sa San Ildefonso. Pareho ring tig-140 megawatts ang idadagdag na suplay ng kuryente ng Solar Philippines Commercial Rooftop Projects Inc.

Iba pa rito ang hiwalay na P458 milyong Solar Power Project ng Cleantech Global Renewables Inc. na may dalang karagdagang 10 megawatts sa bayan pa rin ng San Ildefonso.

Sa lungsod ng San Jose Del Monte, mayroong P1.45 bilyong Solar Power Project ng Manressa Power Corporation na magbibigay ng 35 megawatts na suplay ng kuryente na matatagpuan sa barangay Minuyan Proper.

Sinimulan na rin ang pagtatayo ng P1.4 bilyong halaga ng Biomass Power Plant ng Hypergreen Energy Corporation sa barangay Taal sa Bocaue na magpoproseso ng karagdagang 12 megawatts na suplay ng kuryente mula sa dumi ng hayop, patay na halaman at anumang basurang nabubulok.

Ipinaliwanag naman ni Zorina Aldana, provincial director ng DTI-Bulacan, na ang pagdagsa ng mga renewable energy investments sa Bulacan ay resulta ng masiglang real estate and construction industry sa lalawigan. Ito ang magsusuplay ng kuryente sa mga bagong itinatayong bahay at establisemento.

Katunayan, pumapangalawa sa pinakamalaking pamumuhunang pumasok sa Bulacan ay ang sektor ng manufacturing na nagsisilbing ‘supply chain’ sa mga konstruksiyon. Nangunguna rito ang P5.5 bilyong pagpapalaki ng planta ng Republic Cement sa bayan ng Norzagaray at ang P950 milyong pagpapalaki rin ng planta ng Steel Asia Manufacturing para sa paggawa nila ng welded reinforcing mesh o mga Bakal na ginagamit sa konstruksiyon.

Dagdag pa ni Aldana, nagbunsod ito dahil sa kasagsagan ng implementasyon ng mga proyektong imprastraktura sa ilalim ng programang Build-Build-Build ng administrasyong Duterte, kung saan matatagpuan sa Bulacan ang mga pinakamalalaking proyekto. Kabilang dito ang Metro Rail Transit (MRT) 7 na matatapos na sa 2020, ang North-South Commuter Railways (NSCR)-Phase 1 na matatapos sa 2021 at ang Bulacan Bulk Water Supply Project na ngayon ay nasa stage 2 na.

Bukod sa malalaking proyektong ito, walong Real Estate projects ang pinasimulan noong 2018 na nagkakahalaga ng P3.3 bilyon. Pinakamalaki rito ang ipinapatayo ng 8990 Housing Development Corporation na mag economic and low-cost housing project na Deca Homes sa barangay Abangan Sur sa bayan ng Marilao sa halagang P2.1 bilyon.

Habang iba’t ibang bagong economic and low-cost housing project naman ang sinisimulang itayo ngayon sa iba’t ibang distrito ng Bulacan. Sa Ikatlong Distrito, nagkakahalaga ng P232.64 milyon ang ipinuhunan ng Prominence Properties Inc. sa Paseo de San Roque Village Phase 2 na nasa barangay San Roque sa San Rafael.

Ang RCD Land Inc sa barangay Bigte sa Norzagaray, ay nagtatayo ng P322.78 milyong halaga ng RCD Royale Homes Bulacan Phase 1 at Phase 2. Habang may P102.38 milyong pamumuhunan ang Farm Masters Realty Inc. para sa Farm Masters Village II na nasa barangay Pulong Bayabas sa bayan ng San Miguel.

Sa Ikaapat na Distrito, bukod sa pinakamalaking nasa Marilao, dalawang real estate projects ang itinatayo sa Santa Maria. Ito ang P182.71 milyon na Amaia Scapes Bulacan Sector 3B at Amaia Scapes Bulacan Phase 2 na nasa mga barangay ng Manggahan at Sta. Cruz sa Santa Maria. Ipinapatayo ito ng Amaia Land Corporation.

Dito pa rin sa nasabing bayan, mayroon pang hiwalay na P81.36 milyon mula sa pamumuhunan ng Borland Development Corporation para sa Alegra Heights Batch A sa barangay San Vicente.

Sa Ikalawang Distrito, nasa Phase 9 na ang Provence na ipinapagawa ng Communities Bulacan Inc. na namuhunan ng panibagong P191.06 milyon na matatagpuan sa barangay Lagundi sa Plaridel.

Kaugnay nito, binigyang diin naman ni Yasa na sa lalong pagdami ng mga real estate sa Bulacan, nagkaroon ito ng tinatawag na ‘multiplier effect’ sa ibang sektor ng ekonomiya gaya ng suplay ng pagkain dahil dumadami ang tao.

Kaya’t sa manufacturing pa rin, namuhunan ng P247 milyon ang Poultry Omnis, Inc para sa kanilang value-added meat products na iprinoproseso sa loob ng Santa Maria Industrial Park sa barangay Bulac sa bayan ng Santa Maria. Mayroon ding bagong meat processor sa barangay Bahay Pare sa lungsod ng Meycauayan kung saan namuhunan ng P297.22 milyon ang La Filipina Meals Inc.

Kung may bagong nagpoproseso ng karne, may bago ring Dressing Plant ng Manok sa barangay Tartaro sa bayan ng San Miguel. May 105.6 milyon ang ipinuhunan ng Mommy’s Best Agri Farms, Inc. Gayundin sa bayan ng San Ildefonso, may bagong pamumuhunan ang Excel Farm Corporation na halagang P99.01 milyon para sa malawakang pagpapa-Itlog ng Manok.

Samantala, sa paglago ng sektor ng real estate sa Bulacan, lalo na sa paggawa ng Semento at Bakal, nananatili namang matatag ang industriya ng pagmimina. Patunay dito ang bagong pamumuhunan ng Solid North Mineral Corporation para sa pagmina ng magagandang kalidad ng coarse limestone sa barangay Akle sa San Ildefonso. Ito ay nagsisilbing mga hilaw na materyales sa paggawa ng Semento, pagproseso ng Graba at Buhangin. Lumikha ang lahat ng kabuuang P92 bilyon na bagong pamumuhunan ng karagdagang 4,989 na mga trabaho.

Source: Shane Frias Velasco/PIA

SHARE
Previous articleGordon hits China on West Philippine Sea
Next articleDinagat gov condemns killing of prov’l board member
A team of journalist came up with a newspaper that would complement the fast-paced development now happening in the country. Presently, social media, online news, and other multimedia press centers are active nowadays and the people behind RONDA Balita, Lingguhang Pahayagan ng Masang Intelihente created a modern digital news site whose products include newsfeeds, online news releases and advertisements and it is entitled RONDA Balita Online News.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here