Home Batok sa Kaliwa, Suntok sa Kanan Paalala sa mga miyembro ng 4Ps: ’Wag maging Pasaway!

Paalala sa mga miyembro ng 4Ps: ’Wag maging Pasaway!

31
0
SHARE
An opinion column by Rolando S. Gamoso

BASE sa lumabas na ulat, tanggal ang 47, 078 na miyembro ng Pantawid Pamilya Pilipno Program sa DSWD Region I dahil sa paglabag sa mga kondisyon ng programa tulad ng: pagsusugal, bisyo gaya ng pag-inom ng alak, at pagsanla sa cash card.

Hindi ko alam kung maaawa ako o hindi sa mga nasibak na miyembro ng 4Ps. Alam naman nila ang mga kondisyones bilang miyembro ng 4Ps pero bakit nila nilabag ang mga ito?

Kung tutuusin ay napakalaking tulong para sa mga pamilya ng mga 4Ps ang mga tinatanggap nilang tulong-pinansyal mula sa gobyerno buwan-buwan.

Sa mga hindi pa nakakaalam, may dalawang uri ng tulong-pinansyal o cash grant ang 4Ps na ibinibigay sa mga benepisyaryong pamilya. Ito ay ang pinansiyang pangkalusugan at ang ang pinansiyang edukasyon.

Sa Pinansyang pangkalusugan, P500 ang tinatanggap ng bawat pamilya buwan-buwan. Ito ay may kabuuang P6,000 taon-taon. Sa pinansyang pang-edukasyon naman ay P300 bawat bata buwan-buwan, sa loob ng sampung buwan, o kabuuang P3,000 taon-taon (maaaring magrehistro ang isang pamilya ng hanggang tatlong bata para sa programa).

Ang mga pamilyang may tatlong anak ay maaaring makatanggap ng P1,400 buwan-buwan, o kabuuang P15,000 taon-taon, sa loob ng limang taon, mula sa dalawang uri ng tulong –pinansyal na ibibigay sa kanila.

Ang totoo, when it comes to that 4Ps-4Ps, noon pa man ay ang dami ko na pong naririnig na mga isyu tungkol dito. Doon pa lamang sa pagpili ng mga magiging miyembro, may mga bulong-bulongan na tayong naririnig. Bakit daw napasok si ganito o ganyan as member eh hindi naman sila maituturing na ‘poor? Na kesyo napasali daw sila as member of 4Ps dahil malakas ang kapit nila kay ganito o kay ganyan. Pero iyan ay yun mga time na ang mga kapitan ng barangay pa lang ang namamahala sa pagrerekomenda kung sino ang mga magiging miyembro ng 4Ps.

Ngayon ay nagiging mahigpit na ang DSWD sa pagpili ng mga magiging miyembro ng 4Ps at pati na rin sa pagpapatupad ng mga kondisyones para dito. Pinipili nila ang mga miyembro base sa mga ‘data’ o mga patunay na nakuha nila. Ang mismong mga taga-DSWD ang nag-imbestiga at kumuha ng mga record para matiyak nila kung karapat-dapat nga ba o hindi na maging 4Ps ang isang pamilya.

Masuwerte ang mga pamilyang napili dahil tulad nga ng sinabi ko, malaking bagay ang tulong-pinansyal na ito na ipinagkakaloob sa kanila monthly ng ating pamahalaan dahil pandagdag din ito ng pambili nila ng bigas, ulam, at pati na rin ng mga iba pang kailangan nila sa bahay.

Pero mukhang ang tulong na ito na ibinibigay ng gobyerno ay hindi pinapahalagahan ng ilang mga 4Ps. Kailan ba nila maiisip at mauunawaan na kaya sila binibigyan ng tulong pinansyal ng ating gobyerno ay para tulungan silang makaluwag-luwag ng konti sa problema sa pera?

Pero ang nangyayari kasi, kapag may pera sila, sa halip na unahin nilang bilhin ang mga pangangailangan nila sa bahay o mga gamit na kailangan ng kanilang mga anak sa kanilang pag-aaral ay nilulustay lang nila ang kanilang pera sa mga walang kabuluhang bagay tulad ng sugal at ng mga iba pang bisyo.

Magsisi man ang 47, 078 na pamilyang ito matapos silang masipa sa listahan ng mga 4Ps, ay wala na silang magagawa. Tapos na ang pagtanggap nila ng buwan-buwang tulong-pinansyal mula sa gobyerno dahil sa kanilang pagiging pasaway.

Nasa huli talaga ang pagsisisi, ‘di ba? Kaya sana naman ay magsilbing babala ito sa mga iba pang miyembro ng 4Ps.Tandaan, huwag na huwag kayong lalabag sa mga ibinigay na kondisyones kung ayaw rin ninyong masibak, period! (RONDA BALITA Online)

SHARE
Previous articleEmpleyado ng Kapitolyo ng Bulacan, peke ang diploma?
Next articleBayanihan sa mga Coastal Barangays sa Malolos, isinagawa
Si Rolando S. Gamoso ay naging Editor-In-Chief ng dating THE AMIANAN WEEKLY EXPOSE’, isang weekly newspaper na may sirkulasyon sa buong Region I, CAR at Region II. Naging reporter/news correspondent siya for Region I sa mga pahayagang tulad ng: DAILY BALITA, TANOD Newspaper, BOMBA, PINOY PARAZZI, at POLICE FILES TONITE. Sa ngayon ay reporter/columnist siya sa THE AMIANAN BULLETIN at THE ILOCOS HERALD, pawang mga local newspaper na circulated weekly sa Ilocos Region. Maliban sa pagiging aktibo niya sa print media, aktibo rin siya sa pagiging miyembro ng broadcast media.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here