Paalam sa mahusay at tapat na mayor ng Bocaue

0
770

PUMANAW na ang isa sa magaling na alkalde sa lalawigan ng Bulacan na si Mayor Joni Villanueva-Tugna ng Bayan ng Bocaue.

Habang ginagawa ko ang artikulong ito ay hindi pa rin ako halos makapaniwala na namapayapa na si Mayor Joni.

Halos nasubaybayan ko ang halos dalawang terminong paglilingkod at pamumuno ng alkalde sa mga Bocaueños.

At masasabi ko na malaking kawalan si Mayor Joni sa mamamayan ng Bocaue. Malaking kawalan si Mayor Joni sa lalawigan ng Bulacan at malaking kawalan si Mayor Joni sa mga nagmamahal at sumusuporta sa kanya.

Sa edad na 42 ay tuluyan na tayong iniwan ng isa sa mga iniidolo kong public servant. Isa sa mga natatanging lider sa ating lalawigan na may puso sa paglilingkod sa taumbayan.

Isa kang biyaya sa mga Bocaueños at maituturing na bayani sa makabagong panahon Mayor Joni.

Ayon sa official statement ng JIL’s Executive Management Board, ginapi ang alkalde ng sakit na “sepsis secondary to bacterial pneumonia”.

Natulala ang buong lalawigan sa biglaang pagpanaw ni Mayor Joni. Panandaliang huminto ang paggalaw ng mundo at bumuhos ang pakikidalamhati sa pamilyang naiwan ng alkalde.

Umapaw ang pakikiramay ng mga netizens sa social media na nagmistulang daluyan ng tubig sa pagpasok ng mga komento ng pakikidalamhati.

Nalungkot kahit ang mga kasama, kasangguni at ka-partido sa larangang niyakap ng alkalde — ang pulitika.

At halos lahat ay iisa ang mababanaag, mapapansin — kalungkutan na nangingibabaw sa panlabas maging sa panloob na anyo.

Sabi nga ni Vice Governor Wilhelmino Sy-Alvarado, walang kapantay ang ipinakita mong malasakit sa iyong mga mamamayan. Sa kabila ng iyong iniindang karamdaman, nagawa mo pang ibigay ang iyong sarili sa tunay na paglilingkod sa mga nangangailangan lalo’t higit sa panahon ng pagharap ng bayan sa pandemyang dulot ng COVID-19. Ang ipinamalas mong pagtulong ay balot ng iyong pagmamahal at kababaang-loob.

Tahimik ding sinariwa ni Pandi Mayor Rico Roque, isa sa iyong malapit na kaibigan sa pulitika ang mga panahon na magkasama kayong dumadalo sa mga meeting at seminar.

“MAY 28, 2020 isang malungkot na araw dahil binawian ng buhay ang isa sa pinakamabait, pinakasimple at isa sa pinakamalapit sa aking Mayor ng Bulacan, si Mayor Joni Villanueva Tugna,” ani ni Mayor Roque sa kanyang FB account.

“Sa ilang buwan na nakasama ko si Mayor Joni magbuhat ng ako’y makabalik sa panunungkulan. Ang daming beses na naipakita n’ya sa akin kung gaano s’ya ka humble. Sa tuwing may seminar ang mga Mayor tatawag yun, ‘MAYOR AATTEND KA?’ At kapag sinabi kong, OO, magsasabi yan ‘SIGE KITA TAYO ’don,’ dagdag pa nito.

Si Mayor Joni ay mahusay makisama, magaling mamuno at walang bahid na pag-aalinlangan kung makisama sa tao. Tapat.

Sino ba ang makakalimot sa unang pagtakbo sa pulitika ni Mayor Joni.

Nanalong alkalde si Mayor Joni noong 2016 elections sa pamamagitan ng “coin toss,” ang sistemang ginamit ng Commission on Elections kapag nagtabla sa bilang ng boto ang dalawang kandidato.

Pareho kasing 16,694 votes ang nakuha nila ng kanyang katunggali dati na si Jim Valerio kaya idinaan sa coin toss kung sino ang magiging alkalde ng Bocaue, and the rest is history.

At nitong buwan nang April ay muli na namang naging laman ng mga balita si Mayor Joni sa gitna ng laban natin sa epidemyang COVID-19 dahil sa pagbili niya ng tone-toneladang gulay sa Mt. Province, para tulungan ang mga magsasaka na apektado ang kabuhayan dahil sa ipinatupad na lockdown.

At siya ang kauna-unahang public officials hindi lang sa lalawigan ng Bulacan na gumawa ng ganun sa mga kapatid nating magsasaka sa Moutain Province.

Ang mga biniling gulay ay ipinamahagi naman ng alkalde sa kaniyang mga kababayan bilang bahagi ng ayuda.

Hitting two birds in one stone eka nga. Nakatulong na sa mga kapatid nating magsasaka at nakapagbigay pa ng ayudang gulay sa mga Bocaueños.

Kahit sa mga katulad kong mamamahayag ay ibang klase kung makisama at makiharap si Mayor Joni.

Haharapin ka at aasikasuhin ng walang pasubali. Makikipaghuntahan na animo’y matagal na kayong magkakilala. Taong-tao kumbaga.

Sayang. Sayang talaga. Pero maiiwan ang mga ala-ala at legasiyang ikinintal mo sa aming mga puso. Ang walang kapagurang paglilingkod at tapat na pamumuno sa Bayan ng Bocaue.

Paalam Mayor Joni Villanueva-Tugna. Paalam sa taong naglaan nang oras at panahon para mahalin at pagsilbihan ang mga Bocaueños.

Paalam…

Hanggang sa susunod na isyu po ng RONDA Balita, ang Lingguhang Pahayagan ng masang Bulakenyo.

Para sa ibang balita, maglog-on sa www.rondabalita.news.

Babu!

Kung may tanong, suhestiyon o komento ’wag mag-atubiling tumawag o mag-text sa numerong 0917-205 -3350. (RONDA BALITA Online)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here