Home Simple Lang Paano nga ba nagsisimula ang paggawa ng mga paputok sa Bulacan?

Paano nga ba nagsisimula ang paggawa ng mga paputok sa Bulacan?

441
0
SHARE

ANG paggamit ng mga Pilipino sa ibat ibang uri ng mga paputok sa tuwing maghihiwalay at matatapos ang bawat taon ay isang tradisyong Pinoy ng ipinamana sa atin ng mga Tsinoy.

Bagamat mahigpit ang kampanya ng pamahalaan sa paggamit ng mga produktong paputok sa pagpasok ng bagong taon ay patuloy pa ring itong nanatiling bahagi ng isang kaugaliang hindi na makakalimutan sa kulturang Pilipino.

Ayon sa mga nagpasalin-saling mga kuwento taong 1867 nang matutuhan at pasimulan ng isang Valentin Sta. Ana ang paggawa ng mga kuwitis o stick rocket, na ginagamit noon ng mga kaparian sa bayan ng Sta Maria, bilang tanda sa pagsisimula at pagbubukas ng simbang gabi, hanggang sa matutuhan ni Sta. Ana ang paggawa ng ibat iba pang mga produktong paputok.

Ang kaalamang ito ni Valentin Sta. Ana ay minana ng kanyang dalawang anak na sina Valerio at Fernando Sta. Ana, kung saan noong 1938 ay binuksan ng magkapatid ang isang pabrika ng mga paputok sa Barangay Balasing, Sta. Maria, na pinangalanan nilang Santa Ana Fireworks Factory.

Matapos ang ikalawang digmaang pandaigdig ay naisara ang pabrika ng magkapatid pero itinayo ni Fernando ang kanyang sariling pabrika na pinangalanan niyang Victroy Fireworks, na hanggang sa kasalukuyang panahon ay patuloy sa paggawa ng mga paputok, kayat si Fernando Sta. Ana ay kinilala sa buong Pilipinas bilang “Father of Fireworks and Pyrotechnics” mula noong 1938.

Kabilang din ang Universal Fireworks sa mga pabrikang itinayo ni Fernando Sta. Ana, na naging daan naman upang magsulputan ang marami pang mga gumagawa ng paputok sa mga bayan ng Santa Maria, Bocaue, Baliwag, Norzagaray at Angat.

Pinaniniwaalan din na ang mga naglitawang mga pagawaan ng paputok sa lalawigan ng Cavite at Laguna ay nagsimula sa Bulacan simula noon pang 1966, pero nang ibaba ni Pangulong Ferdinand E. Marcos ang Batas Militar ay ipinagbawal na ang paggawa ng mga produktong paputok, dahil sa sinasabing ginagamit ito ang mga maka-rebeldeng hakbangin laban sa noon ay administrasyong Marcos.

Pero sa kabila ng mahigpit na pagbabawal noon sa paggawa ng mga paputok ay marami pa rin ang lihim ng gumagawa nito, hanggang noong 1992 ay ipinasa ang mga batas sa ilalim ng Republic Act 7183 na kilala bilang “The Pyrotechnic Law”.

Sa Kasalukuyan ang Bulacan ang nangunguna sa paggawa ng mga paputok na umaabot ng mahigit sa 500 mga pabrika na matatagpuan sa mga bayan ng Bocaue, Santa Maria, Baliuag, at sa iba pang mga lugar ng Bulacan, at karamihan pa sa mga gawang paputok ay isinasali sa Macao International Fireworks Display Competition.

Ang paggawa ng mga paputok sa Bulacan ay itinuturing na isa sa mga hanapbuhay ng maraming mga negosyante, tindero at mga manggagawang Bulakenyo, lalo na kapag pumapasok na ang buwan ng Setyembre, Oktubre, Nobyembre hanggang Disyembre, kung saan ang pangangailangan sa produktong ito ay tumataas lalo na kapag papalapit na ang pagpasok ng bagong taon.

Isang mapagpala at mabiyayang bagong taon sa ating lahat…

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here