Home El Tirador Pagresolba sa mga media killings, bigo pa rin ang PNP, NBI

Pagresolba sa mga media killings, bigo pa rin ang PNP, NBI

174
0
SHARE

BIGO pa rin hanggang sa kasalukuyan ang tanggapan ng Philippine National Police (PNP) maging ang National Bureau of Investigation (NBI) sa simula’t simula pa na malutas ang mga kaso ng karumal-dumal na pamamaslang sa mga mamamahayag sa iba’t ibang panig ng Pilipinas.

Ito ang ating matinding saloobin sa mga kinauukulan sa pamunuan ng Pambansang Pulisya ng Pilipinas at ng NBI dahil ngayong taon ay ilan na ang mga mamamahayag ang pinaslang sa ating bansa.

Isa sa pinaka-huling kalunus-lunos na pinatay ay ang radio commentator na si Carlos Matias ng himpilan ng DXBZ-Radyo Bagting na naka-base sa lungsod ng Pagadian sa Zamboanga Del Sur na magpa-hanggang sa ngayon ay hindi pa rin nakikilala ng mga kagawad ng pulisya at ng NBI ang mga salarin at pinagtataguan ng mga ito maging ang motibo sa pagpatay sa biktima.

Matatandaang walang habas na pinagbabaril si Matias noong Mayo 12, 2018 ng bandang alas 3:00 ng hapon ng apat na armadong kalalakihan habang lulan siya ng kanyang motorsiklo sa Barangay Nuburan, Labangan sa nabanggit na lalawigan.

Mariing kinukundena ng pamunuan ng Department of interior and Local Government-National Police Commission-Napolcom Press Club sa pangunguna ni Mr. Joel Amongo bilang pangulo ng organisasyong ito ang naturang pagpaslang sa nasabing mamamahayag dahil tahasan itong paninikil at pagbusal sa kalayaan ng pamamahayag para maipaabot sa kamalayan ng ating mga kababayang naghahanap ng katotohanan sa bawat isyung kinakaharap ng ating bansa.

Base sa inilabas na ulat noong Enero 2018 ng The Associated Press (AP) na naka-base sa Brussels sa Belgium, umakyat na sa 81 reporter o tagapagbalita ang pinaslang habang tinutupad ang kanilang tungkulin sa kasalukuyang taon at tumaas din ang bilang ng karahasan at pananakot sa mga miyembro ng mamamahayag sa buong mundo.

Inilahad pa ng nabanggit na pinakamalaking samahan ng mga mamamahayag sa buong mundo na binanggit ng International Federation of Journalists (Global Union Federation of Journalists’ Trade Unions) na ang mga biktima ay namatay sa mga targeted killings, car bomb attacks at crossfire incidents sa iba’t ibang panig ng daigdig at mahigit 250 mamamahayag naman ang nakulong noong 2017.

Nabanggit din sa ulat ng AP na ang mga bansang may pinakamataas na bilang ng pagpaslang sa hanay ng mga mamahayag ay nangunguna ang Mexico na may 13 media ang pinaslang na sinundan ng Afghanistan – 11; Iraq – 11; Syria – 10; India – 6; at pumang-anim ang Pilipinas na 4 na tagapagbalita ang pinatay; Pakistan – 4; Nigeria – 3; Somalia – 3, at Honduras – 3.

Kaya naman marubdob ang panawagan at paghamon ng bumubuo ng DILG-Napolcom Press Club kina PNP Director General,chief Oscar Albayalde at NBI Director, Atty. Dante Gierran na mas lalo pa niyong paigtingin ang pagtugis at pagdurog sa mga kriminal lalo na yaong mga utak sa likod nito na pawang salot sa ating lipunan at sa ating minamahal na bayan. (RONDA Balita Online News)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here