Pagsunod sa health protocols, aral ng ika-170 taon ni Plaridel

0
668
Makikita ang larawan ni Marcelo H. Del Pilar na sinisimbulo ng kanyang pangunguna sa pagtataguyod ng mga health protocols noong tumama ang pandemya ng Kolera noong 1880s. (Larawan mula kay Propesor Crisanto Cortez)

BULAKAN, Bulacan — Tahimik na inalala ng mga Bulakenyo ang Ika-170 Taong Anibersaryo ng Kapanganakan ni Marcelo H. Del Pilar, na kilala sa panulat na ‘Plaridel’, sa punto na dapat seryosohin ang pagsunod sa mga health protocols ngayong panahon ng pandemya.

 Ayon kay Crisanto Cortez, propesor sa kasaysayan at may akda ng aklat na ‘Plaridel: Dungan ng Katipunan’, nagkataon na patuloy pa rin ang pandemya sa pagsapit ng ika-170 taon ni Plaridel. Puspusan din ang kampanya ng pamahalaang nasyonal at lokal na pasunurin ang mga mamamayan sa kasalukuyang mga health protocols gaya ng pagsusuot ng facemask, faceshield, pagkakaroon ng isang metrong agwat ang bawat indibidwal, pagbabawal na magkamayan at makapagdaos ng mga pagtitipon at maging ang palagiang paghuhugas ng kamay.

Muling binigyang diin ng tagapagturo ng kasaysayan na hindi ito unang pagkakataon na naranasan ng mga Bulakenyo. Noong 1880s aniya, napasunod ni Plaridel ang maraming mga Bulakenyo na sundin ang pangunahing health protocol upang hindi na kumalat pa ang Kolera na noo’y isa ring pandemya.

Bukod sa pagiging abogado na may katangiang ‘isang hindi nasusulat na batas’, sa pagkakakilala sa kanya ng mga Bulakenyo noong 1880s, maituturing na isang taong may pagkukusa si Plaridel sa paggawa ng kabutihan at malasakit sa kanyang kapwa.

Si Plaridel ang nanguna, nang walang bayad, para ikampanya sa buong lalawigan ng Bulacan noong 1880s ang mga health protocols noong nagkaroon ng pandemya ng Kolera. Sapagkat noong panahong iyon, wala pang lunas sa Kolera kaya’t kapag tinamaan nito ang isang tao, malaki ang posibilidad na makahawa at makamatay ito. Kaya’t ikinampanya niya na kung ang isang tao ay nagkakolera, ay agad nang ilibing at huwag nang idaan pa sa simbahan.

Sinunod ito ng mga Bulakenyo ang kampanyang ito ni Plaridel sa kabila ng matinding pagtutol ng mga prayle. Sa kasalukuyang kalagayan, ang mga namamatay sa corona virus disease o COVID-19 ay agad nang ipinapasunod. Kung ililibing naman sa ilalim ng lupa, ipinagbabawal na magsagawa pa ng burol. Kaya’t kung malalaman nang husto ng mga Bulakenyo at maging ng mga Pilipino ang naging ambag ni Plaridel sa pagtataguyod ng mga health protocols, mauunawaan kung bakit dapat sundin ang mga kasalukuyang health protocols upang maiwasan ang sakit ngayon na COVID-19, ani Propesor Cortez.

Kaugnay nito, ayon kay Alex Aguinaldo, kurador ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) sa Museo ni Marcelo H. Del Pilar sa Bulakan, ang panahon na tumama ang sakit na Kolera sa Pilipinas ay panahon din na naitatag ang Diariong Tagalog partikular noong taong 1882. Sa nasabing pahayagan lalong ibinuhos ni Plaridel ang kanyang adhikain para sa mga karapatang sibil ng karaniwang Pilipino.

Samantala, bilang pagsunod sa mga health protocols, sarado pa rin sa publiko ang pambansang dambana ni Plaridel sa nasabing bayan. Nauna nang pansamantalang isinara muna ang museo nito habang may pandemya pa. Tanging pag-aalay ng bulaklak sa libingan at dambana ni Plaridel ang isinagawa ngayong ika-170 taon niya at walang programang pang-alaala.  

Source: PIA Bulacan/Shane Frias Velasco

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here