NANGARAG diumano ang pamunuan ng Philippine Airlines (PAL) habang papalapit ang araw ng deadline na ibinigay sa kanila ni Pangulong Rodrigo R. Duterte para bayaran ang P7.28 bilyong atraso sa gobyerno.
Batay sa datos ng Department of Transportation (DOTr), umaabot na sa P7.28 bilyon ngayong buwan ng Setyembre ang pagkakautang ng PAL sa navigational fees nito at iba pang kailangang bayaran sa pamahalaan, partikular sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) at Manila International Airport Authority (MIAA).
Kamakailan, inihayag ni DOTr Secretary Arthur Tugade na naglabas ng counter proposal ang PAL sa sinisingil sa kanila ng gobyerno na malaking pagkakautang sa unpaid navigational fees at iba pang bayarin.
Gayunman, ipinabalik umano ito dahil hindi katanggap-tanggap ang counter proposal ng PAL.
Nais ng PAL na magkaroon ng “amicable settlement” sa unpaid navigational charges nila na matagal na panahon nang hindi nababayaran.
Pero binigyang-diin ni Pangulong Duterte na kailangang bayaran na ito ng PAL at nagbantang ipasasara ang runway ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na dinaraanan ng mga eroplano ng PAL kapag hindi nakatupad sa ibinigay niyang 10 araw na palugit.
Obligasyon ng naturang airlines na harapin at bayaran na ang matagal na pagkakautang nito sa mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan kung saan mayroon silang malaking atraso.