Panahon na para tayo ay magsisi!

0
473
An opinion column by Rolando S. Gamoso

TAMA nga ang kasabihan na sa panahon ng krisis mo talaga makikilala ang tunay na katauhan o ugali ng isang tao.

Kung bakit ko po ito nasabi, sa panahon kasi ngayon kung saan tayo ay nasa isang matinding krisis, may mga tao pa rin na mas inuuna ang pamomolitika kaysa sa tumulong sa kapwa

Tulad na lang ng ilang politiko diyan, oppsss sandali lang, take note: wala po akong pinapangalanan. Basta ang sabi ko lang ay tulad na lang ng ilang politiko diyan, okey? Sige bumalik na po tayo sa topic.

Saan na ba tayo tumigil? Ah, doon sa part na tulad na lang… Okey, ituloy natin.

Tulad na lang ng ilang politiko diyan na noong mamigay ng tulong sa kanyang nasasakupan eh hayun nakabalandra ang mukha sa ecobag o supot kung saan nakalagay ang bigas, noodles, sardinas at kung ano-ano pa.

Ang tanong, bakit kailangan pang ilagay ang mukha nila doon sa supot o sa mga galon-galong alcohol na ipinamimigay nila? Hindi ba sila kilala ng mga taong nasasakupan nila?

‘Yun ibang tao naman, hayun negosyo ang inuuna kaysa makatulong sa kapuwa. Nauso ang hoarding at over pricing lalo na sa alcohol, hand sanitizer, at thermal/infrared thermometer.

Ang hoarding ay tumutukoy sa konseptong pang-ekonomiya kung saan ang isang produkto o kalakal ay itinatago hanggang sa tumaas ang demand sa produktong ito at tuluyang tumaas ang presyo. In short, isa itong uri ng tinatawag na pagmamanipula sa presyo.

Ang totoo nito ay may mga nahuli talagang nagbebenta ng sobrang mahal na alcohol, hand sanitizer at thermal/infrared thermometer.

Nasaan sila ngayon? Hayun, nakakulong.

Mantakin mo ba naman ‘yan, ‘yun normal price ng alcohol na 150 ml ay dumoble , naging P80.
Masyadong mabigat sa bulsa at maliwanag na pananamantala sa kapwa dahil hindi sila tumatalima o sumusunod sa ‘price control’ na inilatag ng Department of Trade and Industry (DTI).

Dapat sa panahong ito, tangi at pawang mga kabutihan lang ang ginagawa natin. Ipakita natin sa Panginoong Diyos na tayo ay nagsisi sa ating mga kasalanan , para pakinggan Niya tayo at iligtas sa mga kapahamakan.

Sa ginagawang ito ng mga ilang tao, na sa halip na magsisi eh gumagawa pa ng hindi mabuti, sa tingin ninyo matutuwa kaya ang Diyos?

Sabi nga ng mga kakilala kong Pastor, ang mga nangyayaring ito ay nasa Biblya.

Sa Lucas 21:11, ganito ang sinasabi: 11 At magkakaroon ng malalakas na lindol, at sa iba’t ibang dako ay magkakagutom at magkakasalot; at magkakaroon ng mga bagay na kakilakilabot, at ng mga dakilang tanda mula sa langit.

Maging sa Isaiah 26:20, kung susuriing maige ay maliwanag na ganito rin ang ipinapahiwatig. 20 Ikaw ay parito, bayan ko, pumasok ka sa iyong mga silid, at isara mo ang iyong mga pintuan sa palibot mo: magkubli kang sangdali, hanggang sa ang galit ay makalampas.

Panahon na para baguhin natin ang ating mga ugali. Ang magsimulang magsisi at mamuhay ayon sa gusto ng Diyos. Ang hindi maging makasarili at gumawa ng mabuti. Higit sa lahat, huwag kalimutang magdasal para sa ating kaligtasan. (RONDA BALITA Online)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here