Home EXTRAFONTS Panahon ng mga boxing legend

Panahon ng mga boxing legend

19
0
SHARE
Opinion Column by Manny Camua Dela Cruz

HINDI na masyadong pinag-uusapan ngayon ang larong boxing. Wika nga, namamanahon ang larangang ito dahil hanggang sa ngayon ay nananatili pa rin si Manny Pacquiao, ang inaabangan ng boxing fanatics kung kailan siya muling aakyat sa lonang parisukat makaraan ang huling laban niya kay KeithThurman.

Pero hindi na masyadong mainit ang boxing fans ngayon dahil ang mga sikat na personahe ay lumalaos din. Tulad ng mga sikat na artista sa pelikula at telebisyon, dumarating ang oras na lumalamlam ang kislap ng kanilang mga bituin.

Natatandaan ko pa ang panahon ng katanyagan ni Muhammad Ali, ang heavyweight boxer na dinakila ng kanyang mga tagahanga. Ang pinakakontrobersiyal na laban ni Ali ay ang “Thrilla in Manila” na dito ginanap sa Pilipinas sa Araneta Coliseum, ang rematch nila ni Joe Fraizer.

Maraming mga laban si Ali na hindi namin malilimutan tulad ng laban nila ni George Foreman. Sa boxing fan na nakaaalala kay Foreman, siya ang boksingero na ginagapi ng mabilis ang kalaban. Karamihan sa mga boksingero na kanyang pinatulog ay kinuha lang sa unang round kaya naman kinagugulatan si Foreman ng kapwa niya heavyweight boxer.

Pero, iba naman ang naging laban nila ni Ali, na isinagawa sa bansang Zaire, na may pamagat na “Rumble in the Jungle”, noong 1974. Hindi kinaya ni Foreman ang bilis ni Ali nang sila ay maglaban.Talagang pinaliguan ni Ali ng matutulis na jab kaya inabot ng hanggang eigth rounds at bago matapos ang nasabing round ay na-knockout ni Ali si Foreman.

Nang malaos si Ali, maraming professional boxer ang hinangaan ng boxing fans. Nariyan sina Sugar Ray Leonard, Thomas Hearns at Marvin Hagler. Ang tatlong iyan ang malimit magharap sa ring kaya naman hindi sila malilimutan ng kanilang mga tagahanga, pero si Leonard ang pinakapaborito ng boxing fans sa kanilang tatlo.

Kung paramihan ng laban ang pag-uusapan, maraming beses na naglaban sina Leonard at ang Panamanian boxer na si Roberto Duran sa middleweight class. Kapwa mahusay ang dalawa kaya naman hindi rin malilimutan ng mga tagahangan ang mga laban ng dalawang alamat ng boksing.

Hindi nagtagal, nawala na rin sa limelight sila Leonard, Hagler at Hearns. Sumulpot naman si Oscar Dela Hoya. Naging mahigpit niyang katunggali si Shane Mosley. Matatandaang nakalaban din ni Pacquiao and dalawang boxing legends pero kapwa sila tinalo ni Pacman.

Mula sa middleweight, isa na namang heavyweight champion ang naging tanyag dahil sa kakaibang katangian sa pakikipaglaban. Siya si Mike Tyson, na nagpahirap sa maraming heavyweght boxer. Halos lahat ng kanyang mga nakalaban ay pinatulog ni Tyson sa unang round.

Pero hindi umubra ang lakas ni Tyson kay Evander Holifield. Sa unang laban ng dalawa ay tinalo ni Holyfield si Tyson. Nagkaroon ng rematch ang dalawa at doon nangyari ang kontrobersiyal na pagkagat ni ni Tyson sa tenga ni Holifield. Doon na rin natapos ang paghahari ni Tyson sa ring.

Bukod kina Tyson at Holifield, nakilala rin sa larangan ng boksing ang magkapatid na Ukrainian na sina Wladimir at Vitali Klitsckho. Kapwa nila pinagharian ang heavyweight class. Pero pinalasap ng kabiguan ng British boxer na si Lennox Lewis si Wladimir. Hindi nagkaroon ng rematch ang dalawa.

Hindi gaanong nagtagal ang panahon nina Klitskcho at Lewis at ang welterweight class boxer naman ang naghari sa naturang larangan, sa pangunguma ni eight division world champion Manny Pacquiao. Hanggang sa kasalukuyan ay si Pacquiao pa rin ang sinusundan ng boxing fans at kung mayroon mang laban na pinakahihintay na mangyari ng boxingmaniacs, ito ay ang rematch nina Floyd Mayweather Jr at Manny Pacquiao.

Kung kailan ito mangyayari ay walang pang makasasagot. Kahit ang mga sikat na boxing analyst sa mundo ay hindi makapagbigay ng kanilang prediksiyon kung kailan mangyayari ang inaabangang rematch. (RONDA BALITA Online)

SHARE
Previous articleUlat ni Mayor Roque ng Pandi at parangal pa sa LSJDM
Next articleBayan ng Bustos, nananatiling ASF free
SI Manny Camua Dela Cruz ay hindi nag-aral ng kursong dyornalismo, subalit naging bihasa sa pagsusulat ng balita, lathalain at sanaysay. Ang kanyang talento ay pinanday ng mahabang karanasan sa larangan ng pamamahayag: Photo journalist sa simula; kalaunan ay naging provincial correspondent ng iba't ibang mga pahayagang nasyonal, naging reporter ng national dailies sa Kamaynilaan at naging editor ng national tabloid, naging editor ng national weekly news magazine. Sa kasalukuyan ay editor/editorial consultant ng ilang provincial-based newspaper sa Bulacan, kolumnista at contributing editor/writer nitong Ronda Balita Online/Weekly Newspaper.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here