Home Ok Ka Lang Pangingibang bansa ng mga OFW may epekto sa kanilang pamilya

Pangingibang bansa ng mga OFW may epekto sa kanilang pamilya

7287
0
SHARE
Opinion Column by Naneth T. Hirano

MARAMI ang hindi nakakalam sa epektong nangyayari sa pamilya ng ating mga Overseas Filipino Workers o OFW na sapilitan o napipilitang mangibang bansa para sa kapakanan at mabigyan ng magandang buhay ang kanilang mga mahal sa buhay.

Dahil sa kagustuhang matustusan ang pag-aaral ng kanilang mga anak ay napipilitan nangingibang bansa ang ating mga OFW.

Kawalan ng mapapasukang trabaho dito sa ating bansa, kahirapan at hindi sapat na suweldong tinatanggap mula sa mga pinagtatrabahuan kung mapasok mang trabahador!

Hindi alintana ng mga ito ang kung ano man ang kanilang sasapitin sa pangingibang bansa para magtrabaho.

Ang mahalaga sa kanila at nakatatak sa mga isipan ay kikita sila ng yen, dinar, dollar o pound na hamak na mas malaki ang halaga nito sa ating pera.

Kaya naman kahit na marami sa ating mga OFW ang hindi pinalad at napahamak sa kanilang isinagawang pangingibang bansa ay hindi pa rin tumitigil ang marami pa rin nating mga kababayan na sumugal at makipagsapalaran na makapagtrabaho sa ibang bansa.

Ito ay dahil na rin sa ilan nating mga kababayan na pinalad na makatagpo ng magandang kompanya at amo na kanilang napagtrabahuan.

Nakakitaan ang mga pinalad na mga OFW na nakapagpatayo ng kanilang bahay, nagkaroon ng mga sasakyan, nakapagpaaral ng kanilang mga anak at sa madaling salita ay bumuti ang dating hikahos nilang buhay.

Na ang nagiging epekto naman ng pangingibang bansa ng ina o ama at minsan ay pareho ay ang pagkawala ng kanilang EMOTIONAL INVESTMENT sa kanilang mga mahal sa buhay.

Na dahil sa kawalan ng kanilang presence ang pagkakawatak-watak ng kanilang pamilya, pangangaliwa ng kanilang mga asawa at paglayo ng loob ng kanilang mga anak ang nagiging epekto nito!

Na dahil sa kagustuhang maibigay ang lahat ng kasaganaan sa klanyang pamilya ay binubusog nila ito sa mga materyal na bagay.

Nagagawa ngang magdamdam ng ating mga OFW sa kanilang mga mahal sa buhay na kung makahingi ng kanilang mga pangangailangan ay agad-agad pa ang gusto.

Ang buong akala ng karamihan na hindi nakakaranas na makapagtrabaho sa ibang bansa ay parang pinupulot lang ng mga OFW ang pera.

Ang pinagbabasehan kasi ng mga ito ay ang mga nakikita nilang mga litratong mga nakangiti, nagkakatuwaan, namamasyal at kumakain ng masarap ang mga ito sa ibang bansa.

Na lingid sa kanilang mga kaalaman ay todong pagtitipid, sakripisyo at hirap ng kalooban ang dinaranas ng ating mga kababayang na nagtatrabaho sa ibang mga bansa!

Na ang katotohanan ng mga pekeng kasiyahan at kasaganahan na nakikita sa litrato ay itinatago at hindi na lamang ipinaaalam para huwag nang mag-alala pa sa kanila ang kanilang iniwang mga mahal sa buhay.

Lalu-lalo na nga yung mga nagtatrabaho sa Middle East, sakripisyong totoo ang kanilang dinaranas sa mga bansang kanilang kinaroroonan.

Kaya hindi mo rin masisisi ang ilan nating mga OFW na nasa Middle East na magdamdam sa kanilang mga naiwang mahal sa buhay.

Kasi nga naaalala lamang diumano silang tawagan kapag malapit na ang pagpapadala nila ng pera.

Katakot-takot na mga bilin at hiling sa kung ano-ano ang dapat na bilhin at ipadala.

Pero kapag natanggap na ang mga padala at pera ay CANNOT BE REACH o OUTSIDE THE COVERAGE AREA na lagi ang naririnig sa cellphone.

Hindi naman masasabing magastos pa sa ngayon ang tawag o chat.

Kasi nga ay iniraos pa rin nila na magkaroon ang mga ito ng internet para libre na ang kol at text sa Facebook, Messenger, Viber o Skype.

Napakahalaga para sa ating mga OFW ang komunikasyon!

Ang komunikasyon lamang kasi ang tangi nilang nagiging libangan at nakakapagpapawi ng kanilang pagod kapag nakakausap at nakikita ka nilang ligtas at nasa maayos na kalagayan.

Basta’t may internet ka eh libre na ang Facebook, Messenger, Viber at Skype.

Pwede na kayong magkita habang nag-uusap at kahit gaano katagal ng libre.

Lagi nating tatandaan na ang pagtatrabaho sa ibang bansa ay hindi pagpapasarap na parang nagbababakasyon lamang ang ating mga OFW!

Ang dapat ay ipanalangin natin ang lahat ng mga OFW na nasa iba’t-ibang bansa na sana ay makayan at malampasan nilang lahat ang mga sakripisyo’t paghihirap na kanilang sinusuong.

Iwasan ang mga pagsusumbong, pagsasabi ng mga problema kung hindi naman makakabuti at pagdaing ng mga pangangailangan kung hindi naman talaga kailangan.

Ipakita at ipadama ang inyong tunay na pag-aalala at pagmamahal sa pamamagitan ng walang kapagurang pakikipagkomunikasyon sa ating mga mahal na OFW.

MABUHAY ANG ATING MGA MAKABAGONG BAYANI NA MGA OFW!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here