Home Top Story Pangmatagalang solusyon sa pagbaha, hangad ng Alyansa ng mga Baybaying Bayan ng...

Pangmatagalang solusyon sa pagbaha, hangad ng Alyansa ng mga Baybaying Bayan ng Bulacan at Pampanga

793
0
SHARE

“MAGKAROON ang alyansa ng isang galaw upang masolusyunan ang pangmatagalang problema sa baha.”

Ito ang paha­yag ni Malolos City Mayor Christian D. Natividad ng kapanayamin siya ng RONDA Balita at RONDA Balita online news matapos ang isinagawang Memorandum of Agreement (MOA) ng Alyansa ng mga Baybaying Bayan ng Bulacan at Pampanga (ABB-BP) noong Jul 18, 2017 na ginanap sa BarCIE International Center, La Consolacion University Philippines, Lungsod ng Malolos.

Ang ABB-BP ay kina­bibibilangan ng Lungsod ng Malolos, mga bayan ng Hagonoy, Paombong, Ca­lumpit, Bulakan at Obando na pawang matatagpuan sa lalawigan ng Bulacan, at mga bayan ng Masantol at Macabebe sa Pampanga.

Lahat ay matatapuan sa baybayin ng Manila Bay at pawang nakararanas ng palagiang paglubog sa baha kapag high tide at malakas na buhos ng ulan na epekto ng climate change.

Ang naturang alyansa ay nabuo pitong taon na ang nakararaan matapos ang Inter-LGU Forum on Tidal Flooding sa inisyatibo nina former Mayor Angel Cruz ng, Hagonoy, dating Mayor Donato Marcos ng Paombong at Sen. Sherwin Gatchalian, dating mayor ng Valenzuela at ngayon ay isa ng senador.

Layunin ng alyansa na magkaroon ng konsolidasyon ng mga impormasyon sa bawat miyembro para higit na mapalawak ang pagsusuri sa paghanap ng solusyon at upang maiwasan ang malaking perwisyo na dulot ng tidal flooding.

Layunin nito ang konsolidasyon ng mga impormasyon sa bawat bayan upang higit na mapalawak ang pagsusuri sa paghanap ng solusyon.

Sa kasalukyan, ang dating Mayor Angel Cruz, ang prime mover ng alyansa, na buong puso namang sinuportahan ni Mayor Natividad bilang Chairman ng ABB-BP at ng mga lokal na lider ng mga baybaying bayan.

Nagkapit-bisig ang mga panauhin at mga miyembro ng Alyansa matapos ang signing of MOA. Mula sa kaliwa: Bulakan Vice Mayor Berting Bituin, NEDA Regional Director Severino C. Santos, dating Hagonoy Mayor at Proponent ng Alyansa Angel Cruz, Dr. Francisco A. Magno, Director JRIG, Georgina Hernandez, kinatawan ni Vice President Leni Robredo, Chairman ng Alyansa Mayor Christian D. Natividad, Provincial Administrator Eugenio Payongayong, kinatawan ni Gov.

Ilang pagpupulong pa ang naisagawa ng ABB-BP bago naisakatuparan ang nasabing MOA na sinaksihan bilang panauhing pandangal nina Georgina Hernandez, kinatawan ni Vice President Leni Robredo at National Economic Development Authority Regional Director Severino C. Santos.

Dumalo din ang mga katuwang ng alyansa upang maging  saksi sa pormal na pagsasama-sama ng mga baybaying bayan sa nasabing mga lalawigan sina Dr. Francisco A. Magno, Director – Jesse Robredo Institute of Governance- De La Salle University; Eva Ringhof, Cities Develoment Initiatives for Asia; Ace Itchon, CEO, Aspen Philippines; Jacob Bakker at Anne Bakker ng Fostering Education and Environment Development Inc., at Provincial Administrator Eugenio Payongngayong, bilang kinatawan ni Gov. Wilhelmino Sy-Alvarado.

Dumating naman sa hanay ng mga kasaping baybaying bayan sina Mayor Annete F. Balgan ng Macabebe, Mayor Danilo S. Guintu, Masantol, pawang sa Pampanga; Bulakan Mayor Patrick Meneses kasama si Vice Mayor Alberto Bituin, Calumpit Vice Mayor Zacarias Candelaria na kinatawan si Mayor Jessie de Jesus at mga kinatawan mula sa bayan ng Hagonoy, Paombong at Obando.

Nagpakita naman ng buong suporta sa Alyansa ang miyembro ng Sangguniang Panlungsod ng Malolos sa pangunguna ni Vice Mayor Bebong Gatchalian, mga Konsehal na sina Len Pineda, Rico Capule, Niño Bautista, Yolly Azada, Kiko Castro at Jong Ople.

Makaraan ng signing of memorandum of agreement na siyang magiging hudyat ng pormal na balikatan ng mga pinuno ng mga bayan at lungsod na pangarap makagawa ng solusyon sa palagiang pagbaha dulot ng high tide.

Ginawaran din ng plake ng pagpapahalaga ang mga naging panauhing pandangal at lahat ng mga lokal na lider na dumalo sa nasabing seremonya.

Sa naging pahayag ni Mayor Natividad sa okasyon, sinabi nito na ang tanging kailangan ng alyansa ay maging collective at one-action lang ang galaw ng mga coastal cities and municipalities along the shorelines of Bulacan and Pampanga.

Inihalimbawa pa ng alkalde ang nagawa ng kanyang ama, ang yumaong dating congressman ng Bulacan na si Cong. Teddy Natividad, ang Labangan Channel na kung saan naging solusyon ito sa malawakang pagbaha na tumagal ng dalawa hanggang tatlong dekada.

“Pero after ng Labangan Channel ay hindi nasundan ang pagbibigay ng pangmatagalang solusyon sa pagbaha,” dagdag pa ni Mayor Natividad.

Idinagdag din nito na hindi solusyon ang pagtatanim ng Bakawan sa mga shorelines sa mga coastal town. Ito ay magsisilbing karagdagang proteksyon sa kapaligiran tulad ng pagbibigay ng breeding grounds para sa mga bagong pangaisdaan na katulad ng nangyari sa Malolos.

Sinambit pa ni Mayor Natividad na hindi target ng alyansa ang mangrove planting. Nakasentro umano ang grupo katuwang ang De La Salle University, Jesse Robredo Institute of Governance, Delft University of Netherland na pioneer engineering na nakapagbigay ng solusyon sa tidal flooding ng Netherland, Feeds, ang multi-national company na tumutulong sa ating environment at ang mga local inhabitants, para magdisenyo ng pangmatagalang solusyon sa baha tulad ng pagsasaayos ng mga daan, pagpapalawak ng kailugan, at paglalagay ng mga dike halintulad ng ginawa sa bayan ng Obando.

Ayon nga kay Arnold van‘t Veld, international expert in newly developed flood modelling system, “maaaring hindi naaapektuhan ng sakuna ang isang bayan ngunit maaaring may hindi magandang dulot ito sa kalapit-bayan kung kaya’t kailangan ang matinding kooperasyon ng bawat isa”.

Nina MANNY D. BALBIN & RR ELEOGO

 

 

SHARE
Previous articleIligal na droga sa NBP, nakabalik na?
Next article33rd PMPC Star Awars For Movies Official Nominees
Emmanuel "Manny" Dineros Balbin Editor-in-Chief An ex-seminarian of Oblates of Mary Immaculate (OMI) in Notre Dame University Seminary in Cotabato City, and graduated Philosophy as major course, Political Science as minor, at the Aquinas University of Legaspi City. But landed in Journalism. A former Journal Group of Pub lication (People's Journal, Peoples Tonight, Taliba & Women's Journal) PT staffer for 17 years, simultaneously contributed to 3 local newspaper in Bulacan (NewsCore, MetroNews & NewsWatcher). A former Journal Group provincial correspondent, Kabayan provincial reporter, 2010 Bulacan election correspondent by Rappler.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here