Parami na nang parami ang mga ‘anay’ sa PNP

0
163
An opinion column by Rolando S. Gamoso

HABANG hirap na hirap ang ilang matitinong opisyal ng Philippine National Police sa pagtratrabaho nang maayos para patunayan sa publiko na ang mga pulis ay maaasahan at mapagkakatiwalaan bilang tagapagtanggol o tangapangalaga ng mga mamamayan laban sa krimen, karahasan, at sa lahat ng illegal na aktibidades, patuloy naman ang mga iba sa kanilang gawain bilang ‘anay’ na patuloy na sumisira sa pangalan ng PNP.

Hindi pa man lubusang natatapos ang ginagawang pag-iimbestiga sa mga pulis na nagre-recycle ng shabu, hayan at may panibagong problema na naman. Ito ay ang tungkol sa mga “Bilibid cops” na nag-i-smuggle ng kontrabado sa New Bilibid Prison (NBP) kamakailan. Kabilang sa mga ini-smuggle ng “Bilibid cops” ay alak, sigarilyo at electronic gadgets.

Ayon sa report, 16 na pulis ang iniimbestigahan dahil sa pag-smuggle ng kontrabando.

Ang 16 na pulis na ito ay kasama sa 551 pulis na nagmula sa National Capital Region Police Office (NCRPO) na inatasang magguwardiya sa Bilibid noong nakaraang buwan.

Ibig sabihin nito na pawang baguhan ang mga pulis na naka-duty sa Bilibid. Pinalitan ng mga pulis na ito ang 300 guards ng Bilibid na unang pinagsisibak ni Bureau of Corrections (BuCor) Director Gerald Bantag dahil din sa katiwalian.

Kung totoo ngang gumawa ng kataranduhan ang 16 na ‘yan, aba’y ang tindi naman nila. Kapupuwesto pa lang nila diyan ay illegal na agad ang pinaggagawa. Ang tanong ko lang, wala kayang may mataas na ranggong opisyal ang nag-utos sa kanila para gawin iyan?

Tinaasan na nga ang suweldo ng pulis – ginawang P39,000 monthly ang pinakamababang sahod nila — pero may mga gumagawa pa rin ng katiwalian kaya naman hindi maiiwasang madismaya talaga si President Duterte sa nangyayari sa PNP.

Bunga nito, ipinag-utos ng Pangulo noong nakaraang linggo ang malawakang revamp sa PNP. Maraming opisyal ang nalipat ng puwestoat nadestino sa ibang lugar . Ito ay kasunod sa kontrobersiya na kinasasangkutan ni dating PNP chief Gen. Oscar Albayalde.

Kahit saan ay gumagawa ng kalokohan ang ilang mga pulis. Hindi pa ba sapat ang suweldo nila?

Nakakatakot ang mga nangyayaring ito. Parami na nang parami ang mga ‘anay’ sa PNP.

Kung hindi ito masosolusyonan, baka dumating ang time na hindi na maniniwala ang mga tao sa mga pulis. Ang sila na ang higit na katatakutan ng mga tao.

Kapag nangyari ‘yan, malulungkot ako. Ang dami kong kamag-anak at mga kaibigan na pulis.

Sana maubos na ang mga ‘anay’ sa PNP, period! (RONDA BALITA Online)

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here