Pasada ng TODA, suntok sa buwan

0
195
Opinion Column by Manny Camua Dela Cruz

NAGREREKLAMO ang mga tricycle driver na naapektuhan ng ipinatupad na Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ), sa lalawigan ng Bulacan at sa mga karatig na lugar dahil hindi raw sila kumikita.

Ayon sa mga tricycle driver na pawang miyembro ng Tricycle Operators and Drivers’ Association (TODA), natuwa raw sila nang payagan ng LGUs na makapamasada kahit nasa ilalim ng MECQ ang Bulacan. Kaya lang, hindi lahat ng bayan sa Bulacan ay magkakapareho ng dami ng mananakay.

Tulad sa aming barangay sa Plaridel, ang mga tricycle driver ay nagmumukmok na lang sa kanilang mga bahay dahil pag-aaksaya lang anila ng gasolina ang pamamasada ng wala namang pasahero na sumasakay dahil takot sa Covid. Karamihan naman sa mga daily wage earner ay may kani-kanyang motorsiklo na gamit sa pagpasok sa trabaho.

“Hindi ka naman makapagsasakay ng tatlong pasahero ngayon kaya isang pasahero lang ang itatakbo mo papunta ng bayan kaya pagkahatid ng pasahero ay maswerte ka kung may pasahero kang maisasakay pabalik ng barangay at kung aabutin ka ng oras ng pananghalian sa paradahan ay luhaan kang uuwi nang walang sakay na pasahero”. Anang isang TODA member.

Paano nga naman mabubuhay ang pamilya ng isang tricycle driver sa ganitong sitwasyon. Ang mga mananakay kasi ay ayaw ding lumabas ng kanilang mga tahanan dahil wala naman silang pasyalan na mapupuntahan at ang  fastfood store na dati nilang kinakainan ay walang dine-in kungdi pawang  drive thru na lang.

Paano ka nga naman mabubuhay ng maayos sa panahon ng pandemya lalo na sa hanay ng mga tsuper ng pampublikong sasakyan na gustuhin man nilang kumita ng malaki ay hindi nila magawa dahil walang pasaherong sumasakay.

Kaya ang pamamasada ng TODA members sa panahong ito ay kumita at dili. Suntok sa buwan wika nga. Dahil ito sa patuloy na pananalasa ng coronavirus desease na siyang pangunahing dahilan kung bakit labis na naapektuhan ang transport industry.

Malaking dagok ang tumama sa industriya ng transportasyon at ang pinakamasaklap ay ang sinapit ng mga jeepney driver dahil hindi na sila makapasada kaya gutom ang inaabot ng kanilang nga pamilya. Marami sa kanila ang namamalimos na lang sa gilid ng kalsada upang makalikom ng kaunting barya para sa kanilang mga pamilya.

Kung may nakakuha man ng ayuda sa kanila ay saan makararating ang halagang P6,500.00 lalo na kung malaki ang pamilya ng benepisyaryong tsuper na nakatanggap ng gayong halaga sa pamamagitan ng social amelioration program (SAP) ng DSWD. (RONDA BALITA Online)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here