Home National News PhilMech, patuloy na isinusulong ang mekanisasyon sa pagsasaka

PhilMech, patuloy na isinusulong ang mekanisasyon sa pagsasaka

29
0
SHARE
Pinangunahan ni Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization o PhilMech Director Baldwin Jallorina ang pagdaraos ng talakayan patungkol sa mga usapin sa mekanisasyon sa pagsasaka kasama ang ilang mamamahayag sa Nueva Ecija. (Camille C. Nagaño/PIA 3)

LUNGSOD AGHAM NG MUÑOZ — Patuloy na isinusulong ng Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization o PhilMech ang paggamit ng makabagong kagamitan sa pagsasaka.

Ayon kay PhilMech Director Baldwin Jallorina, sa paggamit ng mga makinarya ay nai-aangat ang antas ng pagsasaka sa bansa gayundin ay nakatitiyak sa ani’t kita ng mga magsasaka.

Sa pamamagitan aniya nito nagiging mas madali ang gawain mula sa paghahanda ng lupa, pagtatanim hanggang sa anihan. Tumataas din ang kalidad ng mga produkto at bumababa ang gastusin sa sakahan.

Kaniyang ipinahayag na malaking tulong din ang paggamit ng makabagong teknolohiya upang mapababa ang porsyento ng mga nasasayang na butil ng palay o aning produkto na makatutulong sa pagkakaroon ng kasapatan sa pagkain ng Pilipinas.

Ayon kay Dr. Rodolfo Estigoy, hepe ng PhilMech Applied Communication Division, sa bigas pa lamang ay nasa 16 porsyento na mula sa kabuuang ani ang nawawala o nasasayang sa bansa dahil sa maling paraan ng pag-ani o pagpapatuyo ng palay.

Ito aniya ay dahil sa maling panahon ng pag-ani at maling kasanayan sa pagsasaka gaya ang pagpapatuyo ng palay sa mga kakalsadahan na ang resulta ay nasasayang o nadudurog ang ibinibilad na palay.

Inihalimbawa pa ni Dr. Estigoy ang paggamit ng combined harvester na pinagsama ang proseso ng pag-ani at pag-giik ng palay na kung susumahin ay nasa 4,400 piso ang natitipid sa gastusin bukod pa kung gagamit ng rice transplanter na makatitipid ng nasa 1,100 piso.

Ilan aniya sa mga kilalang makinaryang ginagamit sa bansa ay ang hand tractor, four-wheel tractor, thresher, seed cleaner, reaper, drum seeder, power tiller, mechanical dryers, micro-rice mill, at rice milling system.
Sa kabila ng mga ipinakikilalang makabagong kagamitan ay nananatili pa ding malayo ang Pilipinas sa kaunlaran ng mga karatig bansa sa Asya na tumatangkilik sa mga makinarya sa pagsasaka.

Base sa pag-aaral ng tanggapan ay pang-walo lamang ang Pilipinas sa Asya sa lebel ng mekanisasyon sa agrikultura na pinangungunahan ng mga bansang Japan, Korea, at China.

Kung kaya’t ang panawagan ng tanggapan ay tangkilikin at maging bukas ang isipan sa mga pag-aaral at paggamit ng mga makinarya na makatutulong upang lumago ang industriya at kabuhayan ng mga kababayang umaasa sa pagsasaka.

Source: PIA

SHARE
Previous article51 winning party-list groups proclaimed
Next article3D printing lab eyes partnership with AFAB
A team of journalist came up with a newspaper that would complement the fast-paced development now happening in the country. Presently, social media, online news, and other multimedia press centers are active nowadays and the people behind RONDA Balita, Lingguhang Pahayagan ng Masang Intelihente created a modern digital news site whose products include newsfeeds, online news releases and advertisements and it is entitled RONDA Balita Online News.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here