Home Pilantik Planong pagtatayo ng paliparan sa Bulacan, panganib nga ba sa mamamayan?

Planong pagtatayo ng paliparan sa Bulacan, panganib nga ba sa mamamayan?

55
0
SHARE

KAPAG ganitong panahon ng tag-ulan, daang libong kababayan natin ang “alumpihit at di mapakali” ang mga sarili lalo’t sunud-sunod na kalamidad ang kanilang kakaharapin na dulot daw ng kalikasan, katulad ng nag-aalimpuyong bagyo at ang hindi masulusyunang mga pagbaha.

Nagtatanong ang marami kung bakit nangyayari ang ganitong uri ng sakuna at kalamidad na kung minsan ay maituturing ng isang “TRAHEDYA” sa dahilang naubos na ang kanilang kabuhayan ay marami pa ang nangamatay nilang mga mahal sa buhay at mga kababayan.

Sa ganitong pangyayari, tama po ba na ating buntunan ng “SISI” ang nanahimik na kalikasan? Tila po yata hindi tama at napalaking pagkakamali sapagkat kung para kay PILANTIK ang “himagsik at galit ng kalikasan” ay tao ang maylikha at gumawa.

Mga taong “suwapang sa salapi at ganid sa kapangyarihan at walang kabusugan” . Nariyan po ang “pagkalbo” sa ating mga kabundukan dahilan upang mangyari ang mga pagguho kung saan ay may mga bahay na natatabunan na kung magkaminsan ay kasamang nalilibing ng buhay ang ilan sa ating mga kababayan.

Kasama rin po ang pagtatayo ng mga naglalakihang gusali kung saan ay kinakailangang tambakan muna upang tumaas, kaya naman kapag umuulan ang tubig ay deretso sa mababang lugar na maraming kabahayan.

Mga developer at mga nagmamay-ari ng naglalakihang subdivision na kumita lang limpak-limpak na salapi ay wala ng paki-alam sa mga taong kanilang naperwisyo. Tambak dito, tambak doon hanggang umabot sa taas na kanilang gusto. Hindi muna inaayos ang mga daluyan ng tubig patungo sa tamang daluyan na nagiging dahilan upang kung ganitong panahon ng tag-ulan ay nalulubog sa baha ang maraming kabahayan sa kanilang kapaligiran.

Syempre hindi po mawawala sa listahan ni PILANTIK ang mga taong naging pipi, bingi at bulag na mayroong matataas na posisyon sa pamahalaan na hindi malayong siyang “ugat ta namatikaan” kung bakit nangyayari ang pagsalaula sa ating kapaligiran at sa ating Inang Kalikasan.

Dahil po sa mga pangyayaring ito, naninikluhod po si PILANTIK sa bawat isang Bulakenyo, higit po sa lahat ay inyong mga nasa paligid ng itinatayong “paliparan” diyan sa bayan ng Bulakan maging sa lahat ng residente ng mga karatig-bayan upang gumawa ng wasto, nararapat at makatarungang hakbang upang ang nasabing paliparan ay inyong tutulan kung hindi ilalagay sa tama ayos ang pagtatayo ng nasabing paliparan.

Ipagpalagay na po na malaki ang iuunlad ng bayan lalo na po ng ating lalawigan, subalit hindi po maitatanggi na maaring ito rin ang magiging sanhi ng mas malawakang pagbaha sa bayang ng Bulakan at mga karatig-bayan sakaling maitayo ng “palpak at di ayos” ang nasabing paliparan.

Tinatawagan rin po natin ng pansin ang lokal na pamunuan ng bayan higit sa lahat ay ng ating lalawigan na pakinggan ang hinaing ng mga taong hindi malayong dumanas ng matinding kalamidad sa panahong hinaharap na kung maari ay bantayan po ang kanilang paggawa upang maisaayos ng tama upang hindi magdulot ng “hindi birong pinsala” sa ating kapwa sapagkat sakaling pumalpak ang gawa, kayong aming ainaasahan at pinagkatiwalaan ang siyang pagbubuntunan ng lahat ng sisi sa pangyayari.

Bayan, konting talas lang sa pakiramdam at baka may nangyari nang milagro at kababalaghan. Huwag po tayong papayag na tayo ay malusutan. (RONDA Balita Online News)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here